in

Mabinian’s Group of Florence, nagdiwang ng unang anibersaryo at MAPFED naitatag

Ang butihing punongbayan na si Hon. Mayor Noel “Bitrics” Luistro at ang kanyang maybahay na si Atty. Gerville Luistro na nagmula pa sa Pilipinas ay dumalo sa pagdiriwang. Nagkaroon din ng Joint project ang Rotary Club International of Florence, Italy at ang Rotary Club of Mabini, Batangas. 

 

Hindi lingid sa lahat na ang komunidad ng mga taga Mabini, Batangas ay isa sa pinakamalaking komunidad ng mga Pilipino dito sa Italya.  Sa lahat halos ng rehiyon sa Italya ay matatagpuan ang samahan ng mga taga Mabini.

Noong ika-18 ng Marso ay ipinagdiwang sa Firenze ang unang anibersaryo ng Mabinian’s Group of Florence na pormal at opisyal na naitatag noong ika-12 ng Marso taong 2017. Ayon sa kanilang Presidente na si Ramil Villanueva, layuning ng asosasyon ang mabigkis lahat ng mga taga Mabini, Batangas at matulungan ang sino mang nangangailangan ng tulad ng isang kapamilya. Bakas sa mukha ng mga kasapi ang kasiyahan na parang nasa sariling bayan lamang sa Pilipinas. Ang kanilang anibersaryo ay isang okasyon na nakapaloob sa mas malaki pang pagdiriwang na napakahalaga sa puso ng bawat Mabinian sapagkat ang ebentong ito ay kanila ring pagsalubong sa ika-100 taong pagkakatatag ng Bayan ng Mabini sa Batangas na kanilang ipinagdiriwang ngayong taong 2018. 

Bago magsimula ang opisyal na programa ay nagkaroon muna ng pagpupulong ang iba’t ibang pamunuan ng mga Mabinians sa buong Italya. May mga kinatawan mula sa Milano, Modena, Roma, Firenze, Cagliari at Messina at kasama rin ang kanilang Honorary Chairman at butihing punongbayan na si Hon. Mayor Noel “Bitrics”  Luistro at ang kanyang maybahay na si Atty. Gerville Luistro na nagmula pa sa Pilipinas para lamang dalawing at gabayan ang kanilang mga anak dito sa Italya. Sa pagpupulong na ito ay opisyal na nabuo ang Mabinian’s Association of Presidents Federation o MAPFED. Sa pakikipagtulungan ng bawat cluster ng mabinians sa buong Italya ay magiging mas matagumpay ang kanilang binuong samahan at maitataguyod ng mas maayos ang kanilang mga adhikain. 

Ipinakita rin ng mga Mabinians ang pagmamahal sa kanilang bayan at ang pagkakaisa sa sama-samang pagsayaw sa himig ng “Larga Mabini Unity Dance” na buong siglang pinangunahan ng maybahay ng alkalde na si Atty Gerville luistro.

Binigyan din ng parangal ang ilang natatanging miyembro na nakapagbigay ng malaking kontribusyon sa ikatatagumpay ng asosasyon. “For the Precious time and effort and unselfish service to the group”, pinarangalan sina Julie Del Mundo, Rudy & Rowena Sumagpang, Leizel Driz, Mr. and Mrs. Moreno Barcenas, Franco Miani at Crispina Ortega Evangelista. Isang espesyal na recognition naman para kina Mr. and Mrs. Jose Silang bilang pinakaunang Mabinian citizen sa lungsod ng Firenze.

 

Hindi nagtapos sa pagdiriwang ng anibersaryo ang misyon ng punongbayan ng Mabini. Ang kanyang presensya ay nagbunga din ng isang mahalagang bagay para sa kanyang mga nasasakupan. Sa pagdalaw ng alkalde kay Consul Fabio Fanfani ay napagkasunduan nila na magkaroon ng Joint project ang Rotary Club International of Florence, Italy at ang Rotary Club of Mabini, Batangas na ang presidente ay mismong si Mayor Bitrics Luistro. Sa pakikipagtulungan ng dalawang sangay ng Rotaries na ito ay maraming proyekto ang maisasakatuparan na magdudulot ng malaking benepisyo sa mga mamamayan ng Mabini.

Malaking pasasalamat ng lahat sa pamunuan ng Mabinian’s Group of Florence lalong lalo na sa mga taong nasa likod ng pagkakatatag nito na sina Tita Mher Austria at Pres. Ramil Villanueva. Mga salitang binitawan ng mga miyembro ng pamunuan: walang hindi makakaya, kung tayo ay sama-sama!

 

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

Photo credits:

Emaarphotography

Pabs Alvarez

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Ika-5 taong Anibersaryo ng Sant’Andrea Filipino Community, ipinagdiwang sa Empoli

Survey, para sa sosyal na kapakinabangan ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa komunidad