in

EUROPEAN PHILIPPINE INTERNATIONAL FILM FESTIVAL (EPIFF), idinaos nang matagumpay sa Firenze

Pitong (7) pelikulang Pilipino ang kalahok at binigyang parangal ang mga napiling pinakamahuhusay sa kani-kanilang larangan. 

 

Di maikakailang ang mga Pilipino ay mahilig manood ng mga pelikula, maging ito ay sa sinehan o sa telebisyon man. Nguni’t masasabi nating buhat nang manirahan na sa Italya, nabawasan ang libangang ito dahil na rin sa kawalan ng oras at maging ng interes man dahil minsan lamang maipalabas ang pelikula sa wikang Ingles sa mga sinehan. Kaya kapag may mga ilang namumuhunan sa pagbili ng rights ng isang pelikulang Pilipino para maipalabas dito sa Italya, ay sadyang tinatangkilik ng ating mga kababayan,  lalo na at sikat ang mga bida dito at magkaminsan ay personal pang pumaparito upang bumisita sa sinehan.

Nitong ika 7 – 8 ng buwan ng Marso, ay idinaos ang European Philippine International Film Festival o EPIFF, kung saan may pitong (7) pelikulang Pilipino ang kalahok at ipinalabas sa Cinema de la Compagnia at Cinema Alfieri sa Florence, Italy. 

Ang mga pelikulang ipinalabas ay ang ang mga sumusunod: JOURNEYMAN FINDS HOME: The Simone Rote Story ni Albert Almendralejo at Maricel Cariaga; MAESTRA ni Lemuel Lorca; MAGTANGGOL ni Sigfreid Barros-Sanchez; HONOR THY FATHER ni Erik Matti; IMBISIBOL ni Lawrence Fajardo; BROKEN HALLELUJAH  ni Roland Sanchez; at ang DAGSIN ni Atom Magadia. 

May dalawa ding pelikula na para lamang sa espesyal na panoorin, ang DALISAY ni Maurizio Baldini at ang OF SINNERS AND SAINTS ni Ruben Maria Soriquez.

Ang kulminasyon ng festival ay ang paggagawad ng karangalan sa mga napiling pinakamahuhusay sa kani-kanilang larangan at ginanap ito sa makasaysayang Cinema de la Compagnia. Ang mga espesyal na panauhin ay sina MAURIZO BALDINI, tagapagtatag ng EPIFF, kagalang-galang FABIO FANFANI, ang Honorary Consul ng Florence Filipino Community at Tuscan Region, at si ALVIN ANSON, ang FDCP film ambassador.

 

Ang mga pinarangalan ay sina: TOMMY ABUEL, pinakamahusay na aktor dahil sa pagkaganap bilang biyudong bugbog sa karanasan sa pelikulang Dagsin, na napili rin sa kategoryang Pinakamahusay na Sinematograpiya . Si CES QUESADA naman ang pinakamahusay na aktres sa pelikulang Imbisibol. Ang Audience Award naman ay nakamit ng Journeyman Finds Home. Para naman sa Special Prize of Jury, ang pelikulang BROKEN HALLELUJAH ang nakatanggap, samantalang ang MAGTANGGOL naman ang nakakamit sa Special Prize of Jury for Social Change. Ang nakatanggap ng kategoryang Pinakamahusay na Pelikula ay ang HONOR THY FATHER kung saan ang direktor nitong si ERIK MATTI ang napiling Pinakamahusay na Direktor.

Sa acceptance speech ni Sigfreid Barros-Sanchez habang tinatanggap ang parangal para sa pelikulang Magtanggol, sinabi niyang ibinabahagi niya ang karangalan sa lahat ng mga Overseas Filipino workers sa buong mundo dahil sila ang kanyang pinagkunan ng motibasyon. Ang pelikulang ito ay ukol sa pamilya Magtanggol at sa pakikipaglaban nito sa pagka-api ng mga manggagawang Pilipino na nandarayuhan sa ibang bansa.  Aniya, “Sana ang pelikulang ito ay magsilbing inspirasyon sa bawat isa na lumaban kung kinakailangan. Maraming Salamat, EPIFF! Salamat. Italya! Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang milyun-milyong migrante sa buong mundo!” 

Ito ay inorganisa ng Island Stream Cultural Association of Florence, Italy, kasama ang Philippine Italian Association (PIA) at ang Italian Chamber of Commerce in the Philippines, Inc. (ICCPI) at inindorso ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at sinuportahan sa Italya ng Fondacione Sistema Toscana. Tinangkilik naman ng Filipino Community.

Ang EPIFF ay may layuning ipamalas sa mga taga-Italya maging sa iba pang bansa ang kayamanang pang-kultura ng bansang Pilipinas sa pamamagitan ng mga makabuluhang pelikula na dinirehe, ginawa at ginampanan ng mahuhusay na direktor, artista at ng iba pang kasama sa pagbuo nito.

Kaya sa mga susunod pang Film Festival ng mga pelikulang Pilipino, makaaasa tayo na higit pa itong tatangkilikin ng ating mga kababayan na narito sa Italya dahil isang karangalan na ring maituturing na binibigyang -halaga ng bansang Italya ang husay at talento ng mga Pilipino sa larangan ng sining pampelikula.

                

Dittz Centeno-De Jesus

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Survey, para sa sosyal na kapakinabangan ng gawain ng mga Saksi ni Jehova sa komunidad

Pinay, huli sa pagnanakaw sa shopping mall sa Carpi