Sa gitna ng 41 kandidata ng Miss Earth Philippines, lumutang ang kagandahan at katangian ng Pilipina-Italyana na si SILVIA CELESTE CORTESI, dalawampu’t taong gulang; anak nila Maria Luisa Rabimbi ng Camarines Sur, Bicol Region at ng yumaong na si Sergio Cortesi, isang Italyano mula sa probinsiya ng Parma sa Italya.
Isinilang si Celeste sa Pasay City noong ika-15 ng Disyembre, 1997. Pitong buwang gulang lamang siya nang magpasiya ang kanyang mga magulang na bumalik sa Italya at dito na muling manirahan. Sampung taong gulang siya nang maulila sa ama at namuhay na lamang sa Parma na kasama ang inang si Maria Luisa at kapatid na panganay na si Monica. Nag-aral siya ng Human Science sa Liceo na katumbas ng vocational course sa Pilipinas, nakapasa sa Maturita o university entrance exam nguni’t nagpasiya munang huwag magpatuloy sa kolehiyo dahil nais muna daw niyang subukan ang pagmomodelo, pagtatrabaho bilang part-time sales lady at pagsali sa timpalak-kagandahan .
Nang magkaroon ng pagkakataon ay isinali siya ng kanyang mentor na si Daisy del Valle, pangulo ng Bahaghari Association ng Reggio Emilia, sa Balik sa Basik Lakan at Lakambini ng Kulturang Pilipino 2017, at kanyang nakamit ang titulo kasama si Ralph Silay. Ito ay ginanap sa Bologna noong Oktubre 2017, kung saan ay itinampok ang mga nilikhang kasuotang Pilipino ng Fashion Ambassador na si Renee Salud. Ang timpalak na ito ay ideya ni Bb. Laarni Silva, kung saan ay itatanghal ng mga kabataan ang mga likhang-Pinoy na kasuotan, ang kultura at tradisyong Pilipino pati na ang pagtatampok sa turismong ipinagmamalaki ng ating bansa. Ang Balik sa Basik ay na-organisa sa Bologna sa pamamahala ng Filipino Women’s League at ito ay itinanghal din sa iba pang siyudad gaya ng Udine, Milan, Venice at Roma.
Nang magkaroon ng timpalak ang Miss Philippines Earth-Italy, na pinamamahalaan nila Cheryl Delgado at Robert Jacinto, hindi sila nag-aksaya ng panahon at isinali uli nila Daisy Del Valle si Celeste at pinagtagumpayan naman niya . Ito ay ginanap noong Enero 2018 sa Roma, Italya.
Naging bahagi rin ng kanyang adbokasiya ang isang medical mission na ginanap sa Reggio Emilia, at nagserbisyo-medikal sa mga kababayang Pilipino sa tulong ng FINASS o Filipino-Italian Nurses Association at ng Bahaghari Group.
At nito ngang Abril, sa kauna-unahang pagkakataon ay nakauwi si Celeste sa Pilipinas, upang katawanin ang Fil-Rome Italy sa gaganaping Miss Earth Philippines Contest . Isang pangarap na naman ang natupad sa kanya, ang makabalik sa lupa niyang sinilangan at makilala ang mga kaanak ng kanyang ina.
Simula pa lamang ng kontes ay kinakitaan na siya ng kakaibang katangian at napansin na agad ang taglay na kagandahan, bagay na napansin ng mga hurado kung kaya’t umani siya ng iba’t ibang minor titles gaya ng mga sumusunod: Miss Laus, Sportswear Silver Medalist, Cocktail Dress Silver Medalist, Swimwear Gold Medalist, Press Con Bronze Medalist, Darling of the Press at nakasama pa lagi sa top 5 at top 10 sa ilang minor category competition.
Ang ipinanlaban niyang eco-gown ay disenyo ni Neri Pamittan, isang stilista mula sa lungsod ng Torino. Ang kanyang mga sinuot na gown ay likha naman ni Paolo Blanco. Sa matiyaga namang pagtuturo ni Maria Gena Pedrosa, natutuhan niya ang mga bagay ukol sa adbokasiya ng kontes, mga pangkalahatang impormasyon at iba pang teknikal na kaalaman na kakailanganin niya sa kabuuan ng timpalak. Palagian rin ang kanyang komunikasyon sa kanyang ina at sa mga kaibigan nito, na siyang tumatayong “support group” niya.
At nito ngang ika-19 ng Mayo, idinaos ang timpalak-kagandahan sa Mall of Asia Arena sa Manila. Ang mga kaanak niya, mga kaibigan at kakilala sa Italya ay sama-samang sumubaybay at sumuporta sa kanya hanggang sa araw na itong makamit niya ang karangalan at tanghaling MISS EARTH PHILIPPINES, at siyang sinalinan ng korona ng kasalukuyang Miss Earth KAREN IBASCO. Ang naging sentro ng kanyang adbokasiya ay ang pangangalaga at proteksiyon sa mga puno at kagubatan dahil naniniwala siya na ang mga puno ay tagapagbigay-buhay at ipinagmalaki rin niya ang mga batas na nangangalaga at nagpoprotekta sa mga puno sa Italya .
Ang iba pang mga kandidatang nagkamit ng titulo ay sina:
- Miss Earth Philippines Air: Zahra Bianca Saldua of Las Piñas City
- Miss Earth Philippines Water: Berjayneth Chee of Balingasag, Misamis Oriental
- Miss Earth Philippines Fire: Jean Nicole de Jesus of San Rafael, Bulacan
- Miss Earth Philippines Eco-Tourism: Halimatu Yushawu of Titay, Zamboanga Sibugay
Matapos ang koronasyon ay kinapanayam siya ng mga reporter at sa kahulugang wikang Pilipino ay binanggit niya na malaki ang pasasalamat niya sa kanyang ina na si Maria Luisa dahil sa pagsuporta nito sa kanyang mga pangarap na ngayon na nga ay isa-isa nang natutupad. Nagpasalamat din siya sa mga taong tumulong sa kanila, lalo na sa mga matatalik na kaibigan ng kanyang ina, sa mga organisayon ng mga komunidad ng mga Pilipino sa Italya at sa lahat ng mga naging taga-hanga na rin niya sa Pilipinas.
Ang isang pangarap ay hindi magkakaroon ng katuparan kung hindi ito pagsisikapan na makamtan. Sa isang tulad ni Celeste na may taglay na kasimplehan at kagandahan ng magkahalong dugong-Pilipino at Italyano, hindi masasabing madali ang kanyang pinagdaanan. Ang pagtitiyaga na matuto at makinig sa mabubuting payo ng kanyang mga mentor, ang sariling pagsisikap na maging karapat-dapat sa bawat titulo na nakamtan , ang angkin niyang maayos na pag-uugali na nakuha sa mainam na pagpapalaki ng kanyang ina, ang inspirasyon ng amang yumao…ang lahat ng ito ay ginamit niyang susi upang mabuksan ang maraming pinto ng oportunidad para sa pagtupad ng kanyang mga pangarap at paghahanda para sa isang magandang kinabukasan.
Ipinagmamalaki ka ng komunidad ng mga Pilipino sa Italya. Mabuhay ka, CELESTE!
ni: Dittz Centeno-De Jesus
mga larawan: MEP 2018 & BSB 2017