Upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa, ang mga awtoridad sa Italya ay mas lalong pinagibayo ang kanilang ginagawang pagroronda sa lahat ng parte ng bansa at sa lahat ng oras. Tukoy na nila ang mga lugar na malimit pinangyayarihan ng mga krimen o mga mukhang may mga dati ng record sa pulisya. Dahil na rin sa kanilang mga karanasan sa kanilang trabaho ay madali nilang naiispatan ang mga taong may kakaibang galaw. Tulad na lang sa episodyo noong Miyerkules, ika-24 ng Oktubre sa sentro ng Milano.
Ordinaryong ronda ng mga pulis sa parte ng via Mazzini, simpleng pagtatanong ng mga documento sa mga indibidwal na kanilang nasasalubong. Habang abala sa isinasagawang pagkontrol ng mga dokumento ay umiikot din ang mga mata ng mga pulis upang pagmasdan ang mga galaw ng mga taong nakapalibot sa kanila. At sa pagkakataong ito napagtuunang pansin ng mga alagad ng batas ang galaw ng dalawang pilipino na nagmamadaling lumayo mula sa kanilang kinaroroonan, mga galaw na lalo lamang nagpalakas sa kutob ng mga pulis na may anomalyang nangyayari. Agad nilang sinundan ang dalawa at matapos makuha ang mga dokumento ay agad na pinabuksan ang dala-dalang bag ng pinoy na naglalaman ng halos isang daang reams ng mga sigarilyo na may tatak na “Made in the Philippines”.
Napagalaman na ang mga sigarilyo ay kalimitang ibinebenta sa mga kapwa Pilipino ng singkwenta anyos na nahulihan ng mga smuggled cigarettes. Sa batas ng italya ay mahigpit na ipinagbabawal ang personal na pagpasok sa bansa ng malaking kantidad ng sigarilyong gawa sa ibang bansa at hindi dumadaan sa italian customs administration o autorità doganale. Ang paglabag sa batas na ito ay babagsak sa kasong kontrabando na may kaukulang parusa at multa. Maliban sa pagkumpiska sa mga nasabing epektos ay minultahan din ang mga ito ng halagang aabot sa €3,300 at nakablotter na sa mga awtoridad. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad dahil ayon sa kanila ang kasong ito ng nahuling pilipino ay hindi nagiisa at maaaring may malawakang operasyon ito sa loob ng bansa.
Quintin Kentz Cavite Jr.