Ang Guardians Emigrant (GE) sa Montecatini Terme ay kilala sa Tuscany bilang isa sa mga asosasyon na buo at aktibo sa larangan ng pagtulong sa mga mas nangangailangan mapa Italya o sa Pilipinas man. Dalawang importanteng ebento ang nasa talaan ng GE Montecatini sa taong 2018. Una ay ang paggunita ng kanilang 3rd foundation day na pinangunahan ng outgoing President na si Brian “GMF Eca” Aguilar. Ginanap ito sa Oratorio Murialdo sa Corpus Domini Parish sa Montecatini.
Sinimulan ang ebento sa pamamagitan ng Entrance of Colors ng GE Colors Staff at pagkanta ng mga pambansang awit ng Pilipinas at ng Italya na agad na sinundan ng Panalangin ni Fr. Alejandro Alia na nagmula pa sa probinsya ng Viterbo. Mataimtim ang panalangin kung saan ginunita rin ang mga maituturing na ninuno ng mga GUARDIANS sa buong mundo, mga sundalong nagsimula ng kapatiran bago pa man ito binuksan sa mga sibilyan. Nagpaunlak din sa imbitasyon si Fr. Edizo Orina.
Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng mga pilipino sa Montecatini ay dumalaw ang isang ambassador. Bilang panauhing pandangal, si Ambassador Grace Relucio Princesa, ang bagong Philippine Ambassador to the Holy See ay nagpaalala sa mga pilipino ng dahilan kung bakit kinailangang iwan ang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Kahit na umano ang lahat ay abala sa pagtatrabaho ay huwag kalilimutan ang mga tradisyon at kulturang pilipino, lalong lalo na sa pagpapalaki sa mga batang dito na sa italya isinilang.
Masiglang binati ng Presidente ang mga panauhin na galing sa iba’t-ibang lugar ng italya at pati na rin ang kinatawan ng GE 4th Legion na nagmula pa sa Marseilles, France na si Cgs Lala . Walang sawa namang nagpamalas ng suporta sa kanyang mga anak ang Ama ng GE sa Italya na si Diomedes “Egmf Nazareth” Larido mula sa Roma, kasama ang mga pinuno at kinatawan ng GE Rome City, GE Vatican, at GE Central Legion na sina Isagani “Pcgs Planner” pascual, Tony “Pcgs Falcon” Hernandez, Teddy “Pcgs Amor” Evangelista. Nakiisa rin ang maraming mga asosasyon sa rehiyon ng Toskana, karamihan sa mga ito ay ang mga itinuturing na kapatid sa balikat sa hanay ng mga GUARDIANS. Ang CONFED Tuscany na pinangunahan ni Divinia Capalad ay hindi nawala sa okasyon.
Dagdag sigla din ang presensya ng “I Belli della Diretta” sa pangunguna ni Alessandro Martini at Victor Hugo. Kanilang kinapanayam ang maraming mga pilipino na dumalo upang mas maipakilala ang komunidad ng mga pilipino sa mga manonood sa telebisyon. Isang oras na naka live telecast ang okasyon sa isang italian channel sa Tuscany.
Hindi lamang ang anibersaryo ang highlight sa buhay ng GE Montecatini sa taong 2018. Sa pagtatapos ng termino ng panunungkulan ng dating presidente ay isinagawa ang biennial election na sinundan agad ng oathtaking ceremony at turnover of command noong ika-8 ng disyembre.
Naluklok sa posisyon bilang Presidente si Mirasol “RMG Blackangel” Cabaltera, Vice President for Legislature si Louannie “Mf Roann” Pacheco, Vice President Judiciary si Lucia Mylene “Rmg Sellascat” Rutaquio, Secretary Ricky “Rmg Coach” Bondad, Director General Bonifacio “Frmg Bonyx” Cagabhion, Treasurer, Jeanette “Rmg Alpha” De Guzman Cavite, Auditor Marites “Frmg Jewel” Ablog, Finance General Aileen “Rmg Diamond” Calangi, Comptroller General Marivic “Frmg Angel” Tantay, Marshall Generals Emita “Rmg Emz” Santos at Mirko “Hm Leone” Buffolino, Information General Annabelle “Mf Schatz” Torres.
Pagkakaisa, pagmamahal sa prinsipyong niyakap, at ang ginintuang hangarin na makatulong sa kapwa ang guiding force ng pamilyang ito ng Guardians sa thermal city of Montecatini.
Quintin Kentz Cavite Jr.