Isang 47-anyos na Pilipinong seaman ang maayos na nadala sa isang hospital sa La Spezia matapos itong samaan ng pakiramdam habang nasa laot sa isola del Tino noong ika-18 ng Enero 2019. Sakay ang marinero ng MSC Livorno, isang cargo ship sa La Spezia na naglalayag sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ang barko ay halos nasa sampung kilometros ang distansya mula sa daungan at hirap na makalapit ng mabilis dahil sa mahirap na kalagayan ng panahon.
Bandang alas 10 ng umaga ng makatanggap ang port authority ng La Spezia Coast Guard mula sa “on-board control command” ng barko na humihingi ng agarang saklolo. Sinamaan umano ng pakiramdam ang isang marinero at nangangailangan ng doktor. Mabilis ang naging tugon ng patrol speed boat CP 865 na nakipagugnayan na sa CIRM o Centro Internazionale Radio Medico na nagutos na rin sa 118 na magpadala ng ambulansya sa malapit sa may daungan.
Ilang minuto pa ay nasa tabi na ng cargo ship ang speedboat.Hindi naging madali ang operasyon ng pagsampa ng rescue team dahil sa masungit ang panahon at medyo malakas ang alon. Nang makasmapa ang mga ito ay agad na nilapatan ng paunang lunas ang pasyente. Nang masiguro ng doktor na hindi malubha ang lagay nito ay agad ng nagutos na ilipat ito sa speedboat at dalhin sa pinakamalapit na ospital para sa mas maayos na check-up at blood tests.
Bandang alas 11 ay narating na ng motovedetta ng guardia costiera ang daungan kung saan naghihintay na ang ambulance na nagdala sa pasyente sa hospital ng Sant’Andrea kung saan aalamin ang naging sanhi ng pagsama ng pakiramdam ng seaman.
Quintin Kentz Cavite Jr.