Animoy mga experienced at professional na ang bagong diskubreng banda sa Milan tampok ang mga kabataan na may edad mula walo hanggang labing dalawang taon gulang.
Sila ang Musikbeats Connection na kinabibilangan nina Regienald Ontog, Eljohn Prince Medrano, Exel John Tenz Bagsit, Sairah Rossette Torres, Louise Anne Magboo mga ipinanganak sa Italia at mga music lovers tulad din ng kanilang mga magulang at mga kamag-anakan.
Sa isang event na ginanap sa Via Toffetti, Milan kamakailan ay naimbitahan ang kids band upang mag perform para sa kanilang pilot exposure sa publiko sa pamumuno ng kanilang manager na si Ariel Magboo.
“Itong mga kabataan ay mga dating nag-aaral ng music, and then in Gods perfect time, sila ay nakita-kita muli sa pamamagitan ng kanilang mga parents. Kami ay nagusap-usap para mabuo ang grupo dahil sila ay talagang namamahal sa musika”, masayang tugon ni Magboo.
Dagdag pa ni Magboo, pinalitan nila ang titik na C na ginawang K sa Musikbeats Connection, na ibig sabihin ay “kabataan” at karugtong nito ang connection na ang ibig sabihin naman ay ang kanilang pagkakaisa sa larangan ng musika na hindi lang ang mga batang ito kundi ang kani-kailang mga magulang.
Lubos na hinangaan ng mga magulang at mga bisita ang mga hinandang mga piyesa ng mga bata, at napaindak ang mga ito nang tinugtog nila ang covers songs na NARDA ng Kamikazee at MUNDO ng 4 of Spades.
Mensahe ng manager ng banda sa mga kabataan na ipagpatuloy nila ang kanilang hilig sa musika hindi lamang dito sa Italya at Pilipinas kundi sa buong mundo.
“Music can relieve sa lahat ng atin nararamdaman, anti-stress ito, magmahal lang sa musika, of course hindi lang para sa mga kabataan kundi sa mga parents nila”,sa pagwawakas ni Magboo.
Magkakaroon sila ng full exposure sa publiko nitong darating na summer dahil sa kasalukuyan ay mas binibigyan nila ng prayoridad ang kanilang pag-aaral.
Chet de Castro Valencia
larawan: Jesica Bautista