Tunay nga na ang tinatawag na depresyon ay isang sakit na mahirap labanan. Madalas na dahilan ng pagkadepress ang pagkakaroon ng mabigat na problema sa pamilya, sa trabaho, o maging sa sentimental life.
Isang 29-anyos na Pinoy ang diumano’y may pinagdadaanan at dahil sa mga paghihirap nito sa bansang Italya ay desperado na at gusto ng makauwi ng sariling bansa.
Marami na rin umano itong nilapitan at hiningan ng tulong ngunit walang makapagbigay ng tulong na kanyang hinihingi.
Bandang alas 12:30 ng sabado ika-20 ng abril, ang nasabing suspek ay nagpunta sa Malpensa Customs Border Police Office para makipagusap sa mga alagad ng batas, umaasang mapagbibigyan ang kanyang kahilingang makauwi na ng Pilipinas.
Bagamat abala ang mga kapulisan dahil sa dami ng mga inaasikasong iba’t-ibang kaso ay pinakinggan pa rin ng mga ito ang mga hinaing ng Pinoy.
Matapos makunan ng mga detalye ang suspek ay kanila itong pinaupo sa waiting area ng opisina, matapos nilang ipaliwanag na ang mga kahilingan ng huli ay hindi nila maaaring maibigay. Ang tanging magagawa umano ng mga ito ay ipasa sa ibang ahensya ang kanyang mga kahilingan.
Maaaring hindi naging maganda sa pandinig ng Pinoy at ang negatibong kasagutan ng mga pulis sa kanyang kahilinga kung kaya’t sinunog nito ang dala-dalang balabal o coperta sa mismong loob ng opisina at ipinatong ito sa mga “poltrona” na nasa loob ng waiting area.
Sa kanyang paglabas ng opisina ay agad itong dumiretso papunta sa direksyon ng Check-in 2 para sunugin din ang ilang mga basurahan.
Agad itong inaresto ng mga pulis at dinala sa Busto Arsizio upang humarap sa kaso ng pagsunog. Sa harap ng judge na si Veronica Giacoia ay nagpakita ng pagsisisi ang Pinoy na agad namang pinalaya na may “obligo di firma”.
Kinakailangan nitong magpunta araw araw sa himpilan ng mga pulis sa oras na itinakda ng mga alagad ng batas. Samantala, ang opisina ng Customs Border Patrol ng Malpensa ay hindi nagbukas noong sabado de gloria at pasko ng pagkabuhay dahil sa pinsalang idinulot ng pagkakasunog nito.
Quintin Kentz Cavite Jr.