Pagkaraan ng labimpitong taon, muli ay sa Bologna isinagawa ang pambansang selebrasyon ng Araw ng Paggawa, unang araw ng Mayo, taong 2019, na pinasimulan sa pamamagitan ng isang parada ng mga unyon ng manggagawa at mga estudyante at mga taga-suporta. Ang lahat ay nagtipon muna sa Piazza XX Settembre at nagtapos sa Piazza Maggiore kung saan ay nagkaroon ng isang programa.
Tampok sa selebrasyon ay ang presensya ng mga sumusunod: ang mga sekretaryo-heneral ng UIL, CISL at CGIL na sina Carmelo Barbagallo, Annamaria Furlan at Maurizio Landini. Naroon din ang segretario del sindacato Europeo na si Luca Vientini, ang sindaco metropolitano ng Bologna Virginio Merola at ang presidente della Regione Emilia Romagna Stefano Bonaccini. Maging ang dating segretaria ng CGIL na si Susanna Camusso at ang arcivescovo di Bologna Matteo Zuppi ay dumalo din.
Ang naging tema ng Araw ng Paggawa sa taong ito ay “Lavoro, Diritto e Stato Sociale” o Trabaho, Batas at Kalagayang Panlipunan. Tunay na para sa kapakanan ng mga manggagawa sa buong Italya. Ang patuloy na pagbabantay sa mga karapatan at pagsusulong sa mga pagbabago na dapat kamtin para sa kapakanan ng mga manggagawa ang lagi nang hangarin sa manipesatasyon tuwing Mayo Uno.
Nakiisa at nakibahagi din sa pagdiriwang ang mga grupo ng mga Pilipinong manggagawa gaya ng Filipino Women’s League at Migrante-Bologna na parehong nagsusulong para sa kapakanan at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino. Kaalinsabay din nila ang mga pagkilos at selebrasyon na nagaganap din sa sarili nating bansang Pilipinas.
Pagkaraan ng programa ay nagkaroon ng sama-samang pananghalian sa cortile ng Palazzo D’Accursio at sinundan ng isang konsiyerto. Ang buong programa ay maayos na natapos sa tulong na rin ng mga boluntaryo na nagsikap para sa isang mapayapa at makabuluhang pagdiriwang.
Dittz Centeno-De Jesus
Mga Kuha: Gyndee Photos