Ang heat stroke ay isang uri ng tinatawag na “heat injury” at dahil sa maaring seryosong komplikasyon nito ay tinuturing itong isang medical emergency. Ito ay ang mabilis na pagtaas ng temperatura ng katawan (15 minuto) ng mas higit sa 40°C o 104°F. Ito ay maaring makasanhi ng permanenteng pinsala sa central nervous system (utak at iba pang organ na namamahala sa pagkilos o paggalaw ng katawan) o kamatayan kung hindi ito mabibigyan ng pang-unang lunas o first aid.
Anu-ano nga ba ang sintomas ng heatstroke?
- Mataas na temperatura ng katawan (> 40°C o 104°F);
- Pagkawala ng malay;
- Sakit ng ulo at pagkahilo;
- Hindi nagpapawis kahit mainit;
- Mapula, tuyo at mainit ang balat;
- Panghihina ng katawan at pagkakaroon ng cramps (paninigas ng muscles);
- Pagsusuka;
- Mabilis na tibok ng puso o pulso;
- Hinihingal o mabilis na paghinga;
- Seizures o pangingisay.
Kung may hinala na ang isang tao ay inaatake ng heatstroke, huwag magdalawang isip na tumawag ng tulong na medikal (emergency number sa Italy ay 118). Habang inaantay ang pagdating ng mga paramedic o ambulansya ano ang maaring first aid na gawin para makatulong?
- Tulungan pababain ang temperatura ng katawan ng pasyente sa pamamagitan ng pagdadala sa kanya sa isang lugar na malilim;
- Paypayan habang binabasa ang katawan ng pasyente ng tubig gamit ang sponge o hose;
- Dampian ng malamig na bimpo ang mga parte ng katawan na maraming blood vessels gaya ng kilikili, singit, leeg at likod;
- Ilubog ang pasyente sa tubig na malamig o paliguan ng tubig na malamig;
- Huwag basta gumamit ng ice packs o yelo para sa mga matatandang pasyente o mga maliliit na bata at maaring makasama ito.
Paano maiiwasan ang pagkakaroon ng heatstroke?
- Hanggat maari manatili sa loob kapag matindi ang init ng panahon;
- Magsuot ng maluluwag at may maliliwanag na kulay na damit at sumbrero;
- Gumamit ng sunscreen na SPF 30 pataas;
- Uminom ng maraming tubig (8 baso pataas sa isang araw);
- Iwasan ang mga gawain na mabibigat sa ilalim ng sikat ng araw sa mga oras sa pagitan ng alas 10 ng umaga hanggang alas 4 ng hapon kung kailan pinakamatindi ang init;
- Huwag iiwan ang mga bata at ang mga alagang hayop gaya ng aso sa loob ng sasakyan;
- Iwasan ang sobrang exercise;
- Iwasan ang sobrang paginom ng alcohol;
- Kumain ng mga “cooling foods”
Anu ano ang mga tinatawag na “cooling foods” na makakatulong palamigin ang katawan?
Kabilang sa mga tinatawag na cooling foods ang mga prutas gaya ng pakwan, melon, papaya, avocado, mansanas, peras at ubas. Kabilang din dito ang mga gulay at herbs gaya ng celery, pipino, talong, repolyo, spinach, broccoli, cauliflower, mint at basil. (Elisha Gay C. Hidalgo – Registered Nutritionist-Dietitian)