Sa pagsasailalim ng maraming rehiyon sa zona gialla, ay muling nagbubukas ang mga bars at restaurants hanggang 6pm. Muli ay malayang makakapag-agahan at tanghalian sa mga paboritong bars at restaurants sa maraming rehiyon sa Italya. Ngunit ayon sa iba’t ibang pag-aaral ng mga eksperto, ang pagkain sa mga bar at restaurants sa panahon ng pandemya ay isa mga pangunahing panganib.
Kinumpirma ng iba’t ibang mga researchers ng Center for Disease Control and Prevention ng Amerika na ang mga bar at restaurants ay may mahalagang bahagi sa pagkalat ng coronavirus sa komunidad. Isa sa mga dahilan umano ay ang pagtatanggal ng mask sa oras ng pagkain at pag-inom.
Ngunit hindi naman ito nangangahulugan na kailangang tuluyang ihinto ang pagpunta sa mga restaurants o bar, bagkus ay kailangan lamang maging mas maingat upang maiwasan ang mahawa ng sakit o ang makahawa nito sa ibang tao kung sakali.
Narito ang ilang simpleng tips kung paano magiging mas maingat upang maiwasan ang mahawa ng Covid19 sa mga restaurants
- Iwasang hawakan ang printed menu kung walang online menu. Bilang alternatiba, ang ilang restaurants ay nagsimulang gumamit ng disposable menu o fixed menu na nakatayo sa mga table na hindi na kailangang hawakan ng mga kliyente sa pagpili. Bukod dito ay madaling i-disinfect.
2. Iwasang hawakan ang lalagyan ng mga sause tulad ng olio d’oliva, toyo o patis.
3. Panatiling suot ang mask sa oras na hindi pa kumakain o pagkatapos kumain, partikular habang nagku-kwentuhan at naghihintay ng order.
4. Hugasang mabuti ang mga kamay sa pagpasok sa restaurant. Pillin ang paggamit ng disposable napkins upang tuyuin ang kamay.
5. Ipinapayong gumamit din ng alcohol o gel upang ma-disinfect ang mga kamay bago kumain.
6. Pillin din ang restaurant na sumusunod sa mga pinaiiral na health protocols sa kasalukuyan partikular ang pagmimisura ng body temperature sa pagpasok dito. Ang paglalagay ng disinfectant at lalong higit ang pagsunod sa social distancing ng bawat upuan at mga tables. Ayon sa pinakahuling DPCM, hanggang 4 lamang na katao bawat table ang may pahintulot maliban na lamang kung malaki at mas maraming miyembro ang pamilya.
7. Hangga’t maaari ay piliin ang pwesto na malayo sa air conditioning o malayo sa direksyon ng hangin.
8. Ipinapayo din na iwasan muna ang pagtikim sa order ng ilang kasama sa table. (PGA)