May angkop na parusa ang mga lalabag sa nilalaman ng Reddito di Cittadinanza. Pinaparusahan ng pagkakakulong, bukod pa sa pagtatanggal sa benepisyo at ang pagbabalik ng halagang natanggap.
Ang pagtanggap ng mga benepisyo o tulong pinansyal mula sa gobyerno tulad ng Reddito di Cittadinanza ay palaging mayroong mga requirements at kasunduang kaakibat. Ang kakulangan o kawalan ng mga requirements ay nagtatanggal sa karapatan upang pagtanggap ito. At ang hindi pagsunod sa pinirmahang kasunduan ay pinaparusahan ng batas.
Basahin din: Reddito di Cittadinanza, paano mag-aplay?
Reddito di Cittadinanza, kailan binabawasan o tuluyang tinatanggal ang pagtanggap?
Batay sa mga nasasaad sa batas at sa mga implementing rules ng RdC, ay mayroong mga paglabag na nagiging dahilan upang mabawasan ang halaga ng benepisyo o tuluyang pawalang-bisa ang pagtanggap nito.
Nasasaad ang pagtatanggal ng benepisyo kung isa sa mga miyembro ng pamilya ay:
- Hindi gumawa ng DID o Dichiarazione di Immediata Disponibilità, sa pagkakaroon ng trabaho,
- Hindi pinirmahan ang Patto per il lavoro o ang Patto per l’inclusione sociale,
- Hindi lumahok sa mga formation courses o refresher courses, sa kawalan ng makatwirang dahilan,
- Hindi sumunod sa oras na nasasaad sa community services na inorganisa ng Comune kung saan residente,
- Hindi pagtanggap ng inalok na trabaho o sa renewal ay ang hindi pagtanggap sa unang pagkakataon para makapag-trabaho,
- Gumawa ng false declaration upang makatanggap ng mas malaking halaga ng benepisyo
- Hindi ginawa ang komunikasyon ng pagbabago sa kundisyon ng trabaho,
- Hindi nagsumite ng bago at updated DSU,
- Kung mahuhuli, sa panahon ng pagsusuri ng awtoridad, na nagta-trabaho at hinid ito ipinagbigay-alam.
Reddito di Cittadinanza at lavoro nero
Nasasaad din ang pagtatanggal sa karapatang matanggap ang Reddito di Cittadinanza kung isa sa mga miyembro ng pamilya na benepisyaryo ay mapapatunayang may trabaho (lavoro dipendente, collaborazione at continuativa) at hindi ginawa ang ‘comunicazioni obbligatorie’ na dapat gawin sa Centro per l’Impiego, sa pamamagitan ng modello Unilav.
Convocazione ng Centro per l’impiego
Nilalaman ng dekreto RdC ang kaparusahan sa mga benepisyaryo na obligado ngunit hindi nagpunta sa Centro per l’Impiego sa araw ng convocazione upang pirmahan ang Patto per il lavoro o Patto per l’Inclusione sociale, ng walang makatwirang dahilan.
Narito ang parusa:
- Pagliban sa unang pagkakataon – Pagbabawas ng 1 buwang benepisyo;
- Pagliban sa ikalawang pagkakataon – Pagbabawas ng 2 buwang benepisyo;
- Karagdagang pagliban – Tuluyang pagtatanggal ng benepisyo
Pagliban sa Oryentasyon
Sa kawalan ng balidong dahilan ng pagliban ng kahit isa sa mga miyembro ng pamilya na benepisyaryo sa mga Oryentasyon.
Narito ang mga parusa:
- Pagliban sa unang pagkakataon – Pagbabawas ng 2 buwang benepisyo
- Karagdagang pagliban – Tuluyang pagtatanggal ng benepisyo
Ano ang parusa sa tumatanggap ng Reddito di Cittadinanza ngunit nagta-trabaho ng ‘nero’?
Batay sa DL 4/2019 na isinabatas sa Legge 26/2019, ang mga mapapatunayang nagta-trabaho ng ‘nero’ habang tumatanggap ng Reddito di Cittadinanza ay:
- Tatanggalan ng benepisyo,
- Magbabalik ng halagang natanggap mula sa Inps,
- Maaaring makulong mula 2 hanggang 6 na taon.
Kailan pinaparusahan ng pagkakakulong?
Ayon sa nasasaad sa batas ay mayroong mga pagkakataon na ang paglabag ay pinaparusahan ng pagkakakulong, bukod pa sa pagtatanggal sa benepisyo at ang pagbabalik ng halagang natanggap.
Pinaparusahan ng pagkakakulong mula 2 hanggang 6 na taon kung:
- Gumawa ng false declaration,
- Palsipikado ang mga dokumento,
- Hindi pagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon
Pinaparusahan ng pagkakakulong mula 1 hanggang 3 taon kung:
- Hindi ginawa ang paga-update ng sahod o assets sa Inps,
- Hindi pagbibigay ng mga kinakailangang impormasyon.
Sa kasong mapatunayan ang mga nabanggit, ang benepisyo ay maaaring matanggap makalipas ang 10 taon. (PGA)