Ang buwan ng Pebrero ay buwan ng mga puso, buwan ng mga nagmamahalan at buwan ng pag-iibigan, na kung minsan ay naliligaw….
Siya nga ay nabighani, sa matamis na salita,
Panlabas na kaanyuan, hindi niya alintana,
Sa matagal na panahon, na dumaan sa buhay nya,
Meron siyang naramdamang, Pag ibig na kakaiba.
Kaya naman ng manligaw, kaagad nya na sinagot,
Hindi na nag-alinlangan, hinde na sya nagpakipot,
Ang utak nya’y di ginamit, bagkus puso ang sinunod,
Sa payo ay naging bingi, inilagay nya sa sulok.
At sa unang pagsasama, ramdam nya ay paraiso,
Kaya naman Pag ibig nya’y, mas lalo pa na lomobo,
Higit pa sa pagmamahal, siya’y kanyang inidolo,
Anuman ang sabihin nya, suporta nya’y buong puso.
Paglipas ng mga araw, ay kaniyang napapansin,
Ang kaniyang iniirog, may iba ng ginigiliw,
Pangako’y kinalimutan, nag-iba na ang damdamin,
Mas minahal ng nobyo nya, ang babaeng mapag-angkin.
Masasakit na salita, sa kanya ay balewala,
Pagmumura ng nobyo nya, musika sa kanyang teynga,
At dumating pa sa puntong, ang Diyos i-nalipusta,
Wala siyang naging kibo, mas lalo pa na humanga.
At kaniyang nasaksihan, babae ng kanyang nobyo,
Ay mas higit na malupit, sa kaniyang inidolo,
Kabuhayang meron sila, inangkin ng todo todo,
Sa anumang pangangamkam, hinde siya nagreklamo.
Pag-ibig ng kanyang nobyo’y, naging huwad sa paningin,
Nang maraming mga taong, nakakita’t nakapansin,
Kaya lahat ng pagpuna, sinalag nya ng taimtim,
Mahal nya ang kanyang nobyo, kahit ito’y nagtataksil.
At nang siya’y magkasakit, na dapat ay maagapan,
Dahil inuna ng katipan, ang damdamin ng karibal,
Maging kanyang kamag–anak, sa sakit din ay nadamay,
At kahit pa may namatay, ang nobyo ay di iniwan.
Pagtatanggol sa nobyo nya’y, parang walang katapusan,
Sa batikos ng anak nya, sa kanilang kabuhayan,
Pagkat wala ng ginawa, kundi lagi ay mangutang,
Buhay nila’y di umangat, lubog na sa kahirapan.
Ang masakit pa nga nito, sa negosyong itinayo,
Ang kinuhang trabahador, pamilya ng kalaguyo,
Sarili na kamag anak, iniwan na nanlulumo,
Sa nobyo na nagpabaya, yakap halik at pagsuyo.
Kahit siya’y sinabihan, na sinumang kamag anak
Ay kaniyang ipupugal, kapag siya ay hinamak,
Tiklop tuhod na yumuko, sumang ayon sya kaagad,
Bahala na ang marami, mahalaga siya’y ligtas
Kamag anak nya’y nagsabi, baka sila’y matulungan,
Dahil nga ang kanyang nobyo, ay malawak itong saklaw,
Sa negosyong kumukupas, ang tangi lang kahilingan,
Ay malinaw na pangalan, at matingkad nitong kulay.
At dahil nga sa hinagpis, sa kanilang kamag anak,
Ang pabor na hinihiling, ay hindi nga iginawad,
Sa labis na pagkabigo, kamag anak napaiyak.
Luha nila ay pumatak, sila nama’y nagagalak.
Ang kulay na pinagkait, kabuhayan ang kapantay,
Pangarap na samu’t sari, na kanilang inaasam,
Nang dahil lang sa hinagpis, na mababaw na katwiran.
Iginawad ng nobyo nya, ang parusang inilaan.
Kaniya pang minasahe, ang nobyo nyang mapaniil,
Sa sariling kamag anak, tila siya’y nanggigigil,
Kaya’t siya ay naghanda, ng masarap na pagkain,
At pinili ang pinaka, masarap nga na inumin.
Pag ibig nya’y naliligaw, sumira ng pagpapasya,
Kabutihan nitong asal, moralidad nawala na,
Wala siyang pakialam, sa pinsan nyang nagdurusa,
Pag nobyo nya ay nagalit, nagagalit na din siya.
Hanggang kelan ka bibitaw, sa nobyo mong salawahan
Na ika’y paulet ulet, madalas na sinasaktan,
Atensyon nya’t pagmamahal, nakalaan sa karibal,
Ikaw sana ay magising, matauhan isang araw.
At lagi mong tatandaan, kaming iyong kamag anak,
Kapag ikaw ay bumalik, pintuan namin ay bukas,
Ika’y aming tatanggapin, kahit na nga anong oras,
Kami rin ay nasasabik, lubusan ka na mayakap..
Mga Manunula