Ang panahon ng pandemya ay nagdulot ng maraming pagbabago sa ating buhay ngunit hindi sa ating pananampalataya sa paggunita sa Semana Santa.
Ang Semana Santa o Mahal na Araw, ay isa sa mga pinakamahalagang debosyon ng mga Kristiyano, lalung-lalo na ng mga Katoliko. Ito ay isinasagawa upang alalahanin ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Maraming Pilipino pa rin sa Italya ang itinuturing ito bilang panahon ng pagdarasal, pagsasakripisyo at pagbabago. Panahon ng pagsisisi sa mga nagawang kasalanan, at panahon ng pagwawasto sa ating mga pagkakamali.
Sa kabutinghang-palad, kahit ipinatutupad ang mga restriksyon sa bansa, ay may pahintulot ang pagpunta sa Simbahan sa panahon ng Semana Santa sa kundisyong magdadala ng Autocertificazione at susunod sa mga ipinatutupad na protocol. Bagay na sinusubaybayan at palaging ipinapaalala sa mga Simbahan.
Tuwing Linggo Ng Palaspas o Palm Sunday ay ginugunita natin ang pagdating ng Panginoon sa Herusalem. Nagsisimba ang mga tao nang may hawak na palaspas na gawa sa puno ng palma o palm tree na karaniwang kinakabitan ng mga imahe o litrato ni Jesus o ni Maria. Dito sa Italya ang palaspas ay karaniwang simpleng tangkay ng olive tree. Ikalawang taon na rin, na hindi ito winagayway at nabasbasan na nang ipamahagi sa mga mananampalataya dahil sa Covid19. Kadalasan ito ay isinasabit sa harapan ng mga pintuan at nananatili doon hanggang sa mabulok ang mga dahon nito. Pinaniniwalaang tinataboy nito ang masasamang espiritu. Isang kaugalian na ginagawa rin sa Italya ng maraming mga Pilipino ngunit sa loob ng bahay na ito isinasabit.
Tuwing Huwebes Santo o Maundy Thursday naman ang pag-aalala sa Huling Hapunan ni Jesus kasama ng labindalawang Apostoles. Kung nagsisimba sa araw na ito, malalamang dito rin inaalala ang paghuhugas at paghahalik ni Jesus sa paa ng Kanyang mga Apostoles. Ginagawa rin mismo ng mga pari sa Banal na Misa ang paghuhugas at paghahalik sa paa. Bagay na maaaring iwasan din ng Simbahan ngayong taon dahil sa mga health protocols na ipinatutupad.
Maging ang Visita Iglesia o pagbibisita sa mga simbahan na ginagawa ng mga Pilipino tuwing Maundy Thursday kahit dito sa Italya, ay magiging mahirap gawin dahil sa ipinatutupad ng curfew tuwing gabi.
Kapag Biyernes Santo o Good Friday naman ay inaalala ang pagkamatay ni Jesus. Bago ang pandemya, sa Pilipinas ay kadalasang makakakita ng mga namamanata at nagpepenitensiya, hinahampas at pinapahampas ang mga likod hanggang sa magdugo ito. ‘Yung iba naman ay nagpapapako sa krus. Mga bagay na mapapanood na lamang sa kasalukuyan sa telebisyon bilang mga ala-ala ng mga nakaraang taon.
Ngunit ang paggunita sa pagkamatay ni Hesukristo ay maaari nating gawin kahit saan tayo naroroon basta’t ito ay magmumula sa ating mga puso. Maaaring pansamantalang iwanan ang mga nakagawian, ngunit ito ay hindi nangangahulugan na tinalikuran na natin ang ating pananampalataya. Magkumpisal, mag-misa at magdasal.
Sa Easter Sunday naman ginugunita ang muling pagkabuhay ni Jesus. Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay kung ito ay tawagin at sa Pilipinas ay sinisimulan ito sa ‘Salubong’ sa madaling araw, ang prususyon ng nakatakip ang mukha ni Blessed Virgin Mary at sinasalubong ang imahen ng Kristong nabuhay.
Dito sa Italya ay kinaugalian ang pagbibigay ng Uova di Pasqua o Easter Egg tuwing Easter. Ito ay ang hugis itlog na tsokolate, may iba’t ibang laki at may iba’t ibang ‘sorpresa’ sa loob nito. Bagay napinahihintay ng mga bata. Mayroon ding Colomba o ang Easter cake na hugis kalapati. Sa katunayan, ang kahulugan ng colomba ay kalapati. Samantala, hinihintay din ng maraming Pilipino ang Pasquetta o ang Easter Monday dahil ito ay isang non-working holiday at karagdagang araw ng pahinga.
Bukod sa mga nabanggit, napakarami pang mga pagpepenitensya tuwing sasapit ang Semana Santa, tulad ng hindi pagkain ng karne o ang tinatawag na fasting. Itinuturo rin ang pagsa-sakripisyo o ang paghinto sa mga paboritong gawain. Marami pang mga pangyayari tuwing Semana Santa ang hinahanap-hanap ng mga Pilipino sa Italya na maiku-kwento na lamang sa mga anak tulad ng pabasa, ang mga pinapanood sa kalye na pilitensya, ang prosusyon pag Biyernes Santo.
Ngunit laging tandaan na ang Semana Santa ay panahon ng paggunita at pagninilay-nilay din sa mga sakripisyo ni Jesus upang tayo ay mailigtas sa mga kasalanan. At ito ang tunay na diwa ng Semana Santa na nawa ay isapuso ng lahat. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay nagdadala ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Naghahatid ng bagong pananampalataya na puno ng pag-asa para sa isang panibagong buhay na may kagalingan at kaligtasan mula sa kinatatakutang karamdaman at isang panibagong mundong malaya sa kinatatakutang virus!
Maligayang Pasko ng Pagkabuhay! (PGA)