Ang araw ng bakasyon sa domestic job ay 26 working days, ngunit sa anong panahon ng taon dapat magbakasyon ang mga colf, babysitter at caregivers? Sino ang nagpapasya kung kailan at ano ang eksaktong petsa nito?
Kailan ang bakasyon ng mga colf?
Nasasaad sa batas na “ang mga employer, ayon sa kanilang pangangailangan at ng kanilang colf, ay nagtatakda ng panahon ng bakasyon, mula June hanggang September, maliban na lamang sa pagkakaroon ng ibang kasunduan ng dalawang partes“. (art. 17 CCNL).
Ang bakasyon ay karaniwang tuluy-tuloy ay hindi maaaring hatiin ng higit sa dalawang beses sa isang taon. Sa katunayan, ang taunang bakasyon o ‘ferie’ ay nagsisilbing panahon ng pamamahinga at pag-recover ng pisikal at mental na kalusugan ng mga manggagawa.
Sino ang nagpapasya kung kailan dapat magbakasyon ang mga colf at caregivers?
Ang bakasyon ay isang karapatan ng manggagawa, ngunit ayon sa batas, ang employer ang nagtatakda ng panahon ng bakasyon ng colf o caregiver. Gayunpaman ay dapat na isaalang-alang din ang mga pangangailangan ng colf.
Ipinapayo na linawin sa simula pa lamang kung kailan ang bakasyong ibibigay sa colf. Gayunpaman, ito ay karaniwang kasabay ng bakasyon ng employer.
Makakabuti din na ilagay sa lettera di assunzione ang ilang indikasyon ukol sa bakasyon ng colf. Halimbawa, ang sabay na pagbabakasyon ng employer at colf.
Sa pagsisimula ng taon o sa lalong madaling panahon, ay mabuting tukuyin ang panahon ng bakasyon. Ito ay magpapahintulot sa colf o caregiver na magkaroon din ng kasunduan sa ibang employer, sakaling higit sa isa ang employer nito.
Kung ang colf ay nais na magbakasyon sa ibang panahon na itinakda ng employer, ay maaaring humingi ng permesso non retribuito o hindi bayad na bakasyon.
Samantala, sakaling ang employer ang magbakasyon sa panahong iba kaysa sa napagkasunduan, ang araw na hindi ipagta-trabaho ng worker ay hindi maituturing na araw ng bakasyon at samakatwid ay dapat bayaran ng employer.
Kung nais magbakasyon ng colf sa Pilipinas, maaari bang kumuha ng mas mahabang panahon ng bakasyon?
Sa kasong ang colf ay nais ng mas mahabang araw ng bakasyon dahill uuwi ng PIlipinas, nasasaad din sa batas, batay sa kahilingan ng worker at sa kasunduan ng employer, ay posibleng ipunin ang araw ng bakasyon sa loob ng maximum na panahon ng dalawang taon.