Inaasahang aabot sa 90% ang mga kaso ng Delta variant, ng kabuuang bilang ng mga kaso ng coronavirus sa Europa hanggang sa katapusan ng buwan ng Agosto. Ito ay ayon sa European Centre for Disease Prevention and Control.
Ayon sa eksperto, ang Delta variant ay higit na mabilis at malakas ang transmissibility dahil sa pambihirang katangian nito o ang pagkakaroon ng double mutant, ang E484Q at ang L425R. Dahil dito, maaari pa ding mahawahan ang mga indibidwal na nakatanggap ng isang dosis lamang ng bakuna. Sa katunayan, kinatatakutan ang mabilis na pagkalat nito ngayong Summer sa mga kabataan na hindi pa nakakatanggap ng kahit isang dosis ng bakuna at ang makahawa ang mga ito sa mga matatanda na nakatanggap lamang ng isang dosi ng bakuna. Dagdag pa ng eksperto, na mahalagang ipagpatuloy ang mas mabilis na pagbabakuna at pagbibigay ng ikalawang dosis sa loob ng pinakamababang agwat ng panahon nito upang lalong mapabilis ang pagbabakuna.
Italya, ika-limang bansa sa kaso ng Delta variant
Sa kasalukuyan, ang Delta variant ay kumalat na sa 85 bansa sa buong mundo.
Ayon sa kalkulasyon ng Financial Times, ang Italya ay ang ikalimang bansa sa bilang ng mga kaso ng Delta variant 26%. Nangunguna ang Russia na nagtala ng 99%. Sinundan ng Great Britain at Portugal, kung saan naitala ang 98% at 96%. Sinusundan ng USA kung saan naitala ang 31%. Sumunod sa Italya ang Belgium 16%, Germany 15%, at France 6.9%.
Sa katunayan, nagtala ng bagong pagtaas sa mga kaso ng Covid sa UK, sanhi ng nakakahawang Delta variant o ang dating Indian variant. Umabot sa higit sa 16,000 ang bilang ng mga bagong positibo sa UK. Ito ang pinakamataas na bilang na naitala mula noong Pebrero 2. Ang mga datos ay mula sa gobyerno ng Britanya, na kinukumpirma din ang mababang bilang ng hospital admission katumbas ng 1508 at pagbaba sa bilang ng mga namatay, mula 27 kahapon sa 19 ngayong araw. Ito ay ang resulta ng epektibong vaccination campaign sa bansa na lumampas na sa 75 milyong dosis.
Kaugnay ng muling pagtaas sa bilang ng mga kaso ng Covid, inihayag ng Chancellor ng Germany na si Angela Merkel ang pagnanais na isailalim sa mandatory quarantine ang lahat ng mga manggagaling sa UK, sa lahat ng bansa sa Europa, tulad ng ginagawa sa Germany. Sa katunayan ay binatikos ni Merkel kamakailan ang Portugal sa pagpapasok sa mga turistang mula sa UK na hindi sumasailalim sa mandatory quarantine.
Sa kasalukuyan, isang babala muli ang nagmula sa India ukol sa bagong Delta Plus variant. (PGA)