Sa pagluluwag ng mga restriksyon ukol sa pandemya, nagbabalik-sigla na ang mga organisasyon ng mga Pilipino sa buong Italya. Kabi-kabila na ang mga pagpupulong at mga pagtitipon na may kaugnayan sa pag-oorganisa at pagpaplano ukol sa mga aktibidad ng mga miyembro. Bagama’t naroon pa rin ang mga pag-iingat kung kaya’t maliitang bilang pa rin ang pinapayagan na magkatipon-tipon, may suot pa ring face mask at paggamit ng hand sanitizer.
Nitong ika-27 ng Hunyo, 2021, ay nakapagpulong na ang FEDAFILMO o ang Federazione di Associazione di Filippine sa Modena sa pamumuno ni Dionisio Adarlo. Tinalakay nila ang patuloy nilang adbokasiya ng pagtulong sa mga kababayan, ang pagpapaalala sa ibayo pang pag-iingat sa kalusugan at pati na rin ang mga nakatakda nilang mga gawain o proyekto, unang-una na ang panunumpa ng mga bagong halal na opisyal nito.
Samantala, nitong ika- 11 naman ng Hulyo, ay natuloy na rin ang nabinbing pagkikita-kita ng mga bumubuong organisasyon sa ilalim ng ERAFILCOM O Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities, sa pamumuno naman ni Emerson Malapitan. Ito ay dinaluhan ng mga asosasyon mula sa Bologna, Modena, Ravenna, Forli at Ferrara. Ginanap ito sa Via Spontini 11, Modena. Naging makabuluhan ang pagpupulong dahil napag-usapan ang naantalang eleksiyon ng mga bagong opisyales ng Alyansa. Muli ring plinano ang pagdaraos ng Regional Philippine Independence Day na dalawang taon na ring di naiselebra dahil sa pandemya. Ang lahat ay umaasa na sa susunod na taong 2022 ay magaganap na ito sa Modena. Isang mahalaga ding tinalakay ay ang minimithing pagkakaroon ng Honorary Consul sa Rehiyon upang makagaan sa mga dokumentasyon ng mga kababayan gaya ng sa Special Power of Attorney at iba pang dokumentasyon. Pinapurihan din ang mga miyembrong samahan at mga lider na nakapagpatuloy ng kani-kanilang adbokasiya sa kabila ng mga limitadong pagkukunan at kikilusan. Hinahangad din ng ERAFILCOM na maabot pa ang iba pang mga samahan ng mga Pilipino sa rehiyon.
Ang nasyonal na organisasyon, OFW WATCH ITALY, sa pamumuno ni Rhoderick Ople, ay magdaraos naman ng kanilang Ikatlong Kongreso na kapapalooban ng eleksiyon ng bagong pamunuan at paglulunsad ng General Program of Action nito . Ito ay gaganapin sa ika-24-25 ng Hulyo, 2021 sa Hotel Open 011 sa Torino. Inaasahan ang pagdalo ng higit sa animnapung (60) delegado. Ang lahat ay pinagbilinang siguraduhin na may green pass na o sertipikasyon ng mga mediko o kaya ay negative swab test result kung wala pang bakuna, bilang parte ng pag-iingat.
Ang iba pang mga aktibidad gaya ng Zumba, mga palaro ng basketball, mga kasalan, binyag at kaarawan, ay naidaraos na rin basta lamang susunod pa rin sa mga alituntuning itinakda ng Comune na kinaroroonan.
Sa mga susunod pang mga buwan ay inaasahan pa rin ang mga kaluwagan hinggil sa iba pang mga pagtitipon nguni’t may patakaran pa ring susundin gaya ng pagkakaroon ng Green Pass o sertipikasyon na kompleto na ang pagbabakuna. (Dittz Centeno-De Jesus)