Inilathala na ang Circular ng Ministry of Health ng Italya na nagtatakda ng pagsismula ng fourth dose ng bakuna kontra Covid19 para sa mga taong mas pinaka nasa panganib sa Covid.
Diretso ang Italya sa pagbabakuna ng fourth dose ng bakuna kontra Covid19. Pagkatapos ng panahong itinakda makalipas ang third dose, ay magsisimula ang ikalawang booster dose para sa mga ultra-fragile at immunosuppressed. Ito ang nasasaad sa bagong circular ng Ministry of Health, matapos ang go signal mula sa Agenzia Nazionale del Farmaco o AIFA. Ang bagong bahagi ng vacciantion campaign ay limitado para sa mga taong may malalalang karamdaman. Nananatiling pinag-aaralan at sinusuri pa kung babakunahan at kung kailan ibibigay ang fourth dose sa lahat ng mga mamamayan.
Fourth dose: kailan magsisimula at ang pagitan nito mula sa third dose
Sa ngayon, ang fourth dose ng anti-Covid vaccine ay hindi para sa lahat ng mga ‘fragile’, ngunit para lamang sa mga malubhang immunocompromised, o sa ang mga taong may mahinang immune system (immunodeficiency) dahil sa mahahalagang pathologies o therapy. Ito ay tumutukoy sa humigit-kumulang na 3 milyong katao sa Italya.
Ang bakuna ay nananatiling ang mRna at ang awtorisadong dosis ay 30 mcg sa 0.3 mL para sa Pfizer (Comirnaty) para sa mga higit sa 12 taong gulang at 50 mcg sa 0.25 mL para sa Moderna (Spikevax) para sa higit sa 18. Ang fourth dose ayon sa Circular ng Ministry of Health ay ibibigay makalipas ang 120 araw (4 na buwan) mula sa third dose.
Samantala, naghahanda naman si Emergency Commissioner Francesco Figliuolo sa pagbibigay ng mga indikasyon sa mga Rehiyon sa lalong madaling panahon para sa fourth dose na magsisimula sa Marso 1, 2022.
Ayon kay AIFA director general Nicola Magrini, ang bagong vaccination campaign ay nagmula sa pangangailangang mabigyang proteksyon ang 30-40 % ng mga mahihina at mabawi ang 15% na hindi tumugon sa bakuna.
Para sa mga nabanggit, ang third dose ay isang “karagdagang dosis” (makalipas ang 28 araw pagkatapos ng second dose), kung saan idadagdag ngayon ang “booster dose” na kumakatawan bilang ikaapat na dosis ng bakuna, upang matiyak ang mataas na antas ng immunity at masigurado ang pag-iwas sa mga sintomas, hospitalization at pagkamatay dahil sa Covid, ayon sa Circular.
Matapos ang go signal, ang mga Rehiyon ay makakapagpasya na kung paano at kailan ang simula ng booking online ng fourth dose o kung ang mga nasasakop ng kampanya ay aanyayahan direkta sa mga Asl o ibang mga klinika o vaccination sites.
Fourth dose, kailan ibibigay sa lahat?
Kung naitakda na ang panahon ng pagbibigay ng fourth dose sa mga immunosuppressed, sa ngayon ay walang tiyak na mga indikasyon kung kailan ibibigay ang fourth dose para sa lahat.
Ayon kay Walter Ricciardi kamakailan, ang consultant ni Health Minister Roberto Speranza, sa isang panayam ng La Stampa na ang fourth dose ay marahil na “magiging kapaki-pakinabang sa lahat sa autumn“. Pagkalipas ng 4 na buwan, “bumababa ang immunity ng antibody, ngunit maaaring tumagal nang mas matagal ang cellular immunity“, paglilinaw niya.
Gayunpaman, ang mga susunod na ilang buwan ay magiging mahalaga upang masuri ang takbo ng pandemya at upang makapag-desisyon kung kakailanganin ba ang panibagong mass vaccination campaign o magiging rekomendasyon na lamang ang pagbabakuna taun-taon tulad ng anti-influenza para sa mga itinakdang edad.