Simula January 2023, kung hindi na magkakaroon ng pagbabago sa Budget bill, ay inaasahan ang pagkakaroon ng increase sa benepisyong natatanggap ng maraming pamilya sa Italya, ang Assegno Unico Universale.
Ang Assegno Unico Universale ay ang buwanang benepisyo para sa mga pamilyang mayroong dependent na anak. Ito ay ang ipinalit sa bonus mamma, premio di nascita, bonus bèbè, assegno di natalità, assegni familiari, assegno al nucleo familiare con 3 figli na ibinibigay ng Comune at tax deduction (detrazioni fiscali) para sa mga anak hanggang 21 anyos.
Una sa nabanggit na increase ng Assegno Unico Universale ay ang karagdagang 50% para sa mga pamilyang mayroong anak hanggang 1 taong gulang, anuman ang reddito familiare o family salary.
Samantala, para naman sa mga famiglia numerosi o malalaking pamilya na may 3 anak pataas, ang 50% increase ay ibibigay sa lahat ng mga anak na ang edad ay mas bata sa 3 taong gulang, sa kundisyong ang ISEE ay hindi lalampas ng €40,000.
Para naman sa mga anak na kambal, ang ‘bonus gemelli’ ay makakatanggap ng karagdagang €100,00 kada buwan sa loob ng tatlong taon.
At para sa ibang pamilya na tumatanggap nito, inaasahan din ang increase batay sa ISEE:
ISEE hanggang €15,000 – isang pagtaas mula €175,00 sa € 196,00 kada buwan;
ISEE higit sa €40,000 – isang pagtaas mula €50,00 sa €75,00 kada buwan;
Bukod dito, inaasahan ang pagtaas ng halaga ng benepisyo para sa mga anak with disabilities mula 18 hanggang 21 anyos, na unang ipinatupad noong 2022.
Samakatuwid, ang pinakamababang halaga ay tataas ng €25, mula €50 hanggang €75, habang ang pinakamataas na halaga ay posibleng umabot sa €262.50, na may pagtaas ng €87.50.
Halimbawa, ang isang pamilya na may mababang ISEE, mas mababa sa €15,000, na ang unang anak ay wala pang isang taong gulang, simula 2023 ay makakatanggap ng increase mula €175,00 sa €262,50. Ito ang pinakamataas na halaga.
Gayunpaman, ang mga nabanggit na halaga ay inaasahang makukumpirma matapos aprubahan ang Budget bill ng Kamara at Senado hanggang sa December 31, 2022. (PGA)