Ang carta d’identità ay ang national ID sa Italya hindi lamang para sa mga Italians kundi pati sa mga residenteng dayuhan. Ito ay isang dokumento na nagtataglay ng mga personal datas at ID picture na ang pangunahing layunin ay ang ipakita ang personal identification ng may-ari nito. Ito ay maaaring dokumentong papel o magnetic/electronic form at iniisyu sa pamamagitan ng Comune kung saan residente.
Lahat ng mga Pilipino at mga mamamayang dayuhan na mayroong regular na permesso di soggiorno, kahit menor de edad at rehistrado bilang residente sa Italya, ay maaaring mag-aplay ng carta d’identità.
Carta d’Identità para sa mga Italians at mga dayuhan, ang pagkakaiba
Gayunpaman, ang carta d’identità ay may ilang pagkakaiba sa pagitan ng mga Italians at mga dayuhang residente sa bansa.
Ang carta d’identità na iniisyu sa mga Italians at mga naturalized Italians ay nagpapatunay ng citizenship at ito ay nagbibigay hindi lamang ng mga karapatan kundi pati ng mga obligasyon bilang mga Italyano.
Samantala ang carta d’identità na iniisyu sa mga dayuhan ay nagpapatunay sa identity at sa regular na status ng dayuhan sa Italya. Ginagamit din ito bilang ikalawang italian document, (kasunod ng permesso di soggiorno), para sa access sa mga public at private services, gayun din sa pagbibiyahe ng dayuhan sa loob ng Italya. Sa katunayan, ang carta d’identità na iniisyu sa mga dayuhan ay makikitang nakasulat ang ‘non è valida per l’espatrio’. Samakatwid, ito ay hindi tinatanggap bilang balidong travel document ng mga dayuhan mula sa Italya kung saan residente papunta sa ibang bansa. Para sa mga Pilipino sa Italya, nananatiling pangunahing dokumento ang pasaporte (at ilang dokumento katumbas nito) na inisyu ng gobyerno ng Pilipinas ang nagpapahintulot sa pagbibiyahe sa ibang bansa. Tandaan na kasama ng pasaporte ay dapat palaging dala ang permesso di soggiorno bilang pangunahing italian document.
Kaugnay nito, ang carta d’identità na inisyu sa mga Italians at naturalized Italians ay nagsisilbing travel document na nagpapahintulot sa pagbibiyahe sa Europa. Partikular, ang carta d’identità na valido per l’espatrio ay nagpapahintulot magbiyahe sa mga bansa sa Europa na kasapi sa Schengen na hindi kakailanganin ang pasaporte. (PGA)