Isa si Aldren Ortega sa 56 na hinirang na Consigliere di Quartiere o District Councilor sa Modena kamakailan. Ang 34 anyos at tubong Mabini Batangas ay napili alinsunod sa resulta ng pinakahuling local election kung saan tumakbo bilang Consigliere Comunale.
Ang nominasyon ng mga miyembro ng bagong Consiglieri di Quartiere ay alinsunod sa mga pagbabago ng Regolamento na inaprubahan ng nakaraang Konseho ng Lungsod ng Modena (City Council Deliberation n. 77 of November 23, 2023).
Batay sa regulasyon, si Ortega, District Councilor ng Quartiere 1 – Centro Storico at San Cataldo – ay kumakatawan sa mga mamamayang naninirahan sa kanyang distrito at sa mga aktibong kasapi ng mga Asosasyon, Organisasyon, Businesses at iba pang mga social, cultural at sports group sa lugar. Samakatuwid, sya ay boses ng mga residente ng kanyang distrito.
“Una gusto kong i-acknowledge iyong mga nauna sa akin, iyong mga naging “consiglieri aggiunti” ng kanilang siyudad dito sa Italya at iyong mga naunang kumandidato talaga bilang city councilor ng kanilang city”. Ayon kay Ortega, sila ang naging inspirasyon niya na sumabak sa Italian Politics.
Dagdag pa niya, ang pagiging District Councilor ay isang malaking hamon, dahil dito nagsisimula ang mga desisyon na ginagawa sa mataas na kapulungan o sa City Council.
“Mahalaga ang papel na aking gagampanan kasama ng mga kapwa ko councilors. Ipagpapatuloy ko buhat dito sa mababang kapulungan ang mga temang aking tinitindigan na nakasentro sa mga karapatang pantao at pag-unlad ng Distrito na may pantay pantay na pagtrato sa kahit na sinong naninirahan. Pangunahin kong bibigyang pansin ang youth development, komersyo at public security”.
Layunin ng isang District Councilor na hikayatin na maging aktibo ang mga mamamayan upang maging bahagi ng administrative at social decision sa kanilang lugar. Bukod dito, hangarin ng Consiglieri dei Quartiere na hikayating maging aktibo ang buong komunidad sa partesipasyon sa mga inisyatiba, at anumang social, recreational, environmental, sports at cultural projects ng lungsod.
Si Ortega at ang ibang mga Consiglieri del Quartiere ay kabilang sa City Council ng Modena sa pamamagitan ng kanilang pangulo na may karapatang magsalita at magmungkahi ngunit walang karapatang bumoto. Mayroon din silang tungkuling gumawa at bomoto sa mga deliberasyon, magpasa ng mosyon at magtanong sa development ng mga proyekto na tumutukoy sa kaunlaran ng distritong nasasakupan. Ang Consiglio Comunale naman o City Council ay obligadong magbigay ng sagot na may kalapip na motibasyon sa loob ng 60 araw sa ano mang isusumite ng Consiglio di Quartiere.
Karapatan din nilang gumawa ng mga komisyon na tumutukoy sa mga espisipikong paksa upang mas mapag-aralan at makagawa ng mungkahi na isusumiti sa Consiglio Comunale at sa mga miyembro ng Giunta Comunale.
Paano ito makakatulong sa integrasyon ng mga Pilipino sa Modena?
“Maliban sa language barrier ay well integrated naman ang mga Pilipino sa Modena. Kaya ipagpapatuloy pa rin natin ang kooperasyon sa mga asosasyong Pinoy. Sisikapin natin na mas maging visible ang mga Italo-Pinoys at hindi manatiling silent community. Ipagpapatuloy ko ang Inclusive Modena Program na bitbit ko noong tumakbo ako para sa City Council. Kaya bubuuin natin ang ugnayan sa mga asosasyon ng ibang lahi para makagawa ng mga inisyatiba na makakatulong sa kanila, gayun din sa Centro Storico at San Cataldo na aking kinakatawan.
Nawa ay maging umpisa itong posisyon ko na ito, para sa lahat ng Italo-Pinoy saan man dito sa Italya na kahit sino mang lahi na may sapat na rikisito ay maaring maging parte ng gobyernong italyano at kailangan nating magkaisa para makapagluklok sa isang posisyon. Kailangan lang talaga na mag-effort tayo na pumunta sa mga presinto at bomoto sa araw ng halalan“.
Paano mo matutulungan ang ating mga kababayan sa kanilang pangangailangan?
“Nakasulat sa aming regolamento na tungkulin namin na makinig sa ano mang mungkahi, hinaing o ideya ng kahit na sinong aming nasasakupan. Kung ano mang pangangailangan ng ating mga kababayan ay maari nila akong kontakin para mapag-usapan at ng maunawan ko kung sa papaanong paraan ako makakatulong sa kanila. Sa mga susunod ay ilalabas din ang aming “email istituzionale” para sa mga pormal na komunikasyon“.
Bilang pagtatapos lubos ang pasasalamat ni Ortega sa Partito Democratico (PD) sa patuloy na pagtitiwala nito sa kanyang kakayahan at sa pagbibigay espasyo sa mga italian with migrants origin tulad niya sa mundo ng pulitikang italyano.
“Isa itong sensyales na kinikilala tayo bilang kapantay na bahagi ng Italya at kasama tayo sa pagpapaunlad ng komunidad”, aniya.
Ang hinirang na 56 District Councilors ay nagmula sa mga sumusunod: 33 mula sa Partito Democratico, 13 sa Fratelli d’Italia, 4 sa Alleanza Verdi Sinistra, 3 sa lista civica “Luca Negrini Sindaco”, 1 mula sa Movimento 5 Stelle, 1 sa “Modena per Modena” at 1 sa Forza Italia. Bumunot rin ng 8 pang pangalan na nagmula sa albo o listahan ng mga posibleng maging consiglieri ng bawat distrito.
Noong nakaraang December 9, 2024 ay ginanap ang unang Assembly ng Consiglieri del Quartiere kung saan na-elect ang kanilang presidente na magiging speaker sa City Council, si Avv. Simone Bonfante ng Partito Democratico.
Aldren Ortega
Fb: https://www.facebook.com/aldrenometer
Instagram: https://www.instagram.com/ddenology/
X/Twitter: https://x.com/ddenology