Bukas hanggang February 10, 2025 ang online enrollment para sa mga first-year classes para sa school year 2025/2026.
Ang online enrollment ay obligado para sa mga unang taon ng klase sa mga public school sa elementary, junior high school, at senior high school. Ito ay opsyonal naman para sa mga private school. Ang nabanggit na online enrollment ay para din sa mga education and training courses na ibinibigay ng Regional Training Centers (Centri di Formazione Professionale) sa mga rehiyon ng Calabria, Campania, Emilia Romagna, Lazio, Liguria, Lombardia, Marche, Molise, Piemonte, Puglia, Sardegna, Sicilia, Toscana, Umbria, at Veneto. Bukas din ang enrollment para sa mga technical-professional courses na 4+2 at sa bagong Liceo Made in Italy program.
Tandaan kasama rin sa online enrollment ang mga non-Italian students. Sa kasalukuyan tinatayang aabot higit sa 900,000 o ang 11% ng kabuuang populasyon ng mga mag-aaral sa Italy ay may foreign nationality, kung saan 22,655 o 2.5% ay may filipino origin, batay sa MIM SY report 2022-2023.
Online Enrollment, narito kung paano gagawin.
Kailangang mag-login gamit ang isang digital idenity sa Italya tulad ng SPID, CIE, CNS o eIDAS sa platform (https://unica.istruzione.gov.it/) ng Ministry of Education and Merit (MIM) para makapag-fill out ng mga aplikasyon. Narito ang link para sa enrollment: https://unica.istruzione.gov.it/it/orientamento/iscrizioni.
Sa platform, ay matatagpuan ng mga magulang at estudyante ang mga instruction, guides sa mga kurso, mga tutorial, useful statistics (tulad ng mga popular na kurso, most in demand na trabaho at sektor na may mataas na demand), at ang serbisyong “Scuola in Chiaro,” kung saan makikita ang mapa ng lahat ng schools.
Ipinaalala ng Ministry of Education and Merit na ang mga dayuhang magulang na walang codice fiscale, o ang sinumang walang computer na may internet access o email address, ay maaaring pumunta sa napiling paaralan upang mag-enroll. Bilang alternatibo, maaari ring magpatulong sa kasalukuyang paaralan ng kanilang anak para gawin ang online enrollment. Kahit walang codice fiscale ang bata, halimbawa’y bagong dating pa lamang sa Italya, maaari pa ring mag-enroll online dahil ang sistema ay magge-generate ng temporary codice fiscale na papalitan ng paaralan ng official codice fiscale kapag nagkaroon na ito.