in

Celeste Cortesi, para sa korona ng Miss Universe 

Ilang taon na rin ang nakaraan buhat nang mangarap ang isang dalagitang Pilipina-Italyana na darating ang panahon at makapag-uuwi siya ng korona at tatanghaling reyna ng isang timpalak-kagandahan. Siya si SILVIA CELESTE CORTESI.

Ang pangarap ay di nanatiling isang pangarap dahil kung gaano kasidhi niyang sinikap maihanda ang sarili ay ganun din siya sinuportahan ng mga taong naniniwala sa kanyang kakayahan. Syempre, nangunguna dito ay ang kanyang dakilang ina, si MARIA LUISA RABIMBI, isang Pinay na nakapag-asawa ng isang Italyano, si SERGIO CORTESI.  Maging ang mga kaibigan ni Malou, gaya ng tinataguring fairy godmother ni Celeste, si DAISY DEL VALLE, ay di bumitaw sa pagsuporta sa pangarap ni Celeste.

Sa una ay sumali siya sa isang lokal na paligsahan, ang RAGAZZA DEL CINEMA, taong 2015,   kung saan siya ang napili. Ginanap ito sa Parma at doon pa lang ay hinangaan na ang kanyang kagandahan at pagiging ismarte. 

Nang magtungo naman sa Italya si Renee Salud, ang pamosong fashion designer ng Pilipinas at kilala rin sa pagdiskubre ng mga kababaihang may potensiyal na maging modelo at beauty queen, si CELESTE rin ang namukod-tangi sa grupo ng mga kabataang sumali sa BALIK SA BASIK – Lakan at Lakambini ng Kulturang Pilipino,  na ginanap sa BOLOGNA noong Oktubre, 2017.  Ang Balik sa Basik ay mula sa konsepto ni Laarni Silva, at naglalayon na maihatid sa Italya, partikular sa mga kabataan , ang pagkilala sa kulturang Pilipino sa pamamagitan ng isang fashion show. Ang patimpalak na ito ay kolaborasyon ng grupo nila Laarni Silva at Renee Salud sa Filipino Women’s League ng Bologna at sa iba pang organisasyon na namahala naman sa kani-kanilang siyudad dito sa Italya. Nakamit ni Celeste ang titulong LAKAMBINI NG KULTURANG PILIPINO, katambal si RALPH SILAY bilang LAKAN. 

Mula sa patimpalak na ito ay sumubok muli si Celeste at sumali naman sa MISS PHILIPPINES EARTH – ITALY na ginanap sa Roma noong Enero 2018. Muli ay nakuha niya ang korona at nagsilbi itong daan upang makauwi siya sa Pilipinas at siya ang naging kinatawan ng Filipino community ng Italy sa MISS EARTH-PHILIPPINES, petsa ika-19 ng Mayo, 2018, na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Manila. 

At tulad ng inaasahan, naiuwi niya ang korona ng Miss Earth-Philippines at siya ay umabante bilang kinatawan ng Pilipinas sa MISS EARTH  na ginanap noong ika-3 ng Nobyembre, 2018, sa Mall of Asia rin.  Dito ay pumasok lamang siya sa ikawalong puwesto. Ang titulo ay nakuha ni Miss Vietnam Phuong Khanh Nguyen.

Nang idaraos na ang timpalak MISS UNIVERSE PHILIPPINES, muli ay nagsikap si Celeste na makasali dito. Ginanap noong ika-30 ng Abril, 2022, at nakuha niya ang titulo. Ito ay matapos ang apat na taong paghahanda upang mapagtagumpayan ang kanyang minimithi. 

Ngayong buwan ng Enero ay gaganapin ang koronasyon ng ika-71 na timpalak ng MISS UNIVERSE 2023. Ito ay magaganap sa ika-14 ng Enero, 2023, sa New Orleans, Louisiana sa Amerika. May tinatayang kabuuang bilang na 84 kandidata ang maglalaban para sa korona. 

Umaasa ang sambayanang Pilipino na maiuuwi ni Celeste ang korona dahil sa taglay nitong kagandahan na magkahalong Pilipina at Italyana, katalinuhan sa pagsagot at kaalaman sa maraming aspeto at dahil sa kanyang determinasyon na makamit ang kanyang pangarap na handa rin naman niyang ialay ang karangalan para sa bansang Pilipinas at maging sa Italya na rin. (Dittz Centeno-De Jesus)

 Sulong at mabuhay ka, CELESTE. Nawa ay mapasaatin ang korona!

Basahin din: 

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Mga Requirements at ang Paraan ng Pag-aaplay ng Assegno Sociale 

Magkakaroon ba ng Buoni Spesa ngayong 2023?