Nagdulot ng kaguluhan at alinlangan sa mga overseas voters sa Italya ang hindi pagkakatugma ng QR code sa mga aktwal na binoto ng mga ito. Marami ang nagpahayag ng pagkabahala sa social media at mga online forum, kung saan ibinahagi ang kanilang karanasan ng hindi makita o makumpirma ang mga ibinotong kandidato sa pamamagitan ng QR code na lumabas matapos bumoto online.
“What happened Comelec? We did not vote for those candidates, the names appeared when we checked the QR code are not the name we voted. Why? As Ofw, that is our only right. Why disrespect it?” Ito ang dismayadong post ni Robert sa social media matapos bumoto online.
Bagamat nilinaw ng Comelec na ang QR code ay hindi dinisenyo upang magsilbing resibo o listahan ng mga ibinotong kandidato, hindi nito napawi ang pangamba ng ilan. May mga nangangambang baka ito’y senyales ng posibleng iregularidad sa bagong sistema ng pagboto sa pamamagitan ng internet.
“Nagulat ako na wala akong makitang listahan ng mga ibinoto ko sa QR code. Paano ko malalaman kung tama ang naitala sa system?” pahayag ni Maricel, isang nurse sa Rome.
Ganito rin ang sentimyento ni Bong, isang colf na pilit bumoto sa unang araw ng botohan. “Naiintindihan ko na encrypted daw ‘yan, pero sana may paraan man lang para sa transparency. Kasi parang nakakatakot na di mo alam kung naitala nga talaga ng sistema ang mga pangalang ibinoto mo.”
Sa kabila ng mga reklamo, nanindigan ang Comelec na ligtas at maaasahan ang online voting system. Paliwanag ng ahensya, ang QR code ay isang bahagi lamang ng mas malawak na seguridad na ipinapatupad upang tiyakin ang pagiging kumpidensyal at integridad ng halalan. Binigyang-diin din ng Comelec na ang mismong boto ng isang botante ay naka-encrypt at direktang ipinapadala sa central server, kung saan ito ay ligtas na binibilang at pinoproseso.
Samantala, patuloy namang hinihikayat ng Comelec ang mga registered overseas na bumoto at umaasa na sa pagdaan ng mga araw ay lalawak pa ang tiwala ng publiko sa bagong sistema ng pagboto, lalo na’t ito ang unang pagkakataon na isinagawa ang internet voting para sa mga overseas Filipino voters.