Aaprubahan ang ‘reddito di maternità’ ng walang diskriminasyon. Isee hanggang 20,000 euros ang tanging requirement bilang handog sa lahat ng mga bagong ipinanganak na sanggol.
Milan, Hulyo 11, 2016 – Isang welcome gift pack para sa lahat ng sanggol at 150 euros sa loob ng dalawang taon para sa mga pamilyang higit na nangangailangan sa Milan.
Ito ang panukala para sa maternity na isinulong kamakailan ni Pierfrancesco Majorino, ang welfare assessor sa ilalim ni Mayor Giuseppe Sala. Ito ay para sa lahat ng mga residente, Italyano man o dayuhan, batay sa prinsipyo na ang lahat ng mga bata ay pantay-pantay, anuman ang bansang pinanggalingan ng magulang.
Ang card ay nagpapahintulot na mabili ang mga pangunahing pangangailangan ng mga sanggol sa mga conventional stores at supermarket na tumatanggap na ng gift card. Ito ay nakalaan sa lahat ng mga pamilya na mayroong Isee (Economic Situation Indicator) na hindi lalampas sa 20,000 kada taon.
Ito ay sisimulan sa Setyembre bilang experimental period at matatanggap ang 300 euros para sa unang dalawang buwan. Ganap na ipatutupad simula 2017 sa pamamagitan ng card na magpapahintulot mabayaran kahit ang babysitter na pinili ng Comune at nursery school o asili nido.
Samantala, wala namang limitasyon para sa welcome gift pack na sisimulang ipadala ng Comune simula 2017 sa lahat ng mga pamilya ng bagong sanggol. Kasama na rito ang mga diapers, powdered milk, baby foods at iba pa buhat sa mga sponsors na lalahok sa inisyatiba ng administrasyon.
“Sa huling limang taon – ayon kay Majorino – ang lungsod ng Milan ay namuhunan ng 154 million euros para sa tinatawag na ‘sostegno al reddito’ o ang tulong pinansyal sa sahod at dahil dito ay ang nangungunang lungsod para sa tulong na ito sa mga mamamayan. Nais naming ipagpatuloy ang direksyong ito para sa mga lahat ng mga pamilya, ito ay aming hangarin”.