Mas maraming dayuhan ang makakatanggap ng Assegno di maternità dello Stato. Ito ay ayon sa messaggio n. 3656 ng October 5, 2022 ng INPS.
Ang Assegno di maternità dell Stato, ay isang benepisyo sa social security na direktang ibinibigay ng INPS sa mga atypical and discontinuous workers na hindi nakapagbayad ng sapat na kontribusyon upang maging kwalipikado para sa ordinaryong maternity allowance. Ang halaga para sa taong 2022 ay € 2,183.77, na natatanggap nang buo kung walang ibang maternity allowance na natatanggap kahit paryal lamang.
Kaugnay nito, nag-assess ang INPS at mas dumami ang mga dayuhang beneficiaries batay sa mga pagbabagong nasasaad sa European Law 2019/2020 (L.238 / 2021). Partikular, mababasa sa Circular, na may karapatan sa pagtanggap ng nabanggit na allowance ang mga magulang – ama at ina – biological o adoptive na:
- mayroong carta di soggiorno na tinutukoy sa Artikulo 10 ng D.lgs. no. 30/2007 na tinawag na Carta di soggiorno per i familiari del cittadino comunitario non aventi la cittadinanza di uno Stato membro dell’Unione europea;
- mayroong carta di soggiorno na tinutukoy sa Artikulo 10 ng D.lgs. no. 30/2007 na tinawag na Carta di soggiorno permanente per i familiari non aventi la cittadinanza di uno Stato membro”
- mayroong permesso di soggiorno at katumbas ng mga Italian citizen alinsunod sa Article 41, paragraph 1-ter, ng D.lgs no. 286/1998, o ang tinatawag na permesso unico di lavoro, na nagpapahintulot makapag-trabaho nang higit sa anim na buwan, gayundin ang mga dayuhan na mayroong permesso di soggiorno per motivi di ricerca na nagpapahintulot na manatili sa Italya nang higit sa anim na buwan “;
- mayroong permesso di soggiorno UE per soggiornanti di lungo periodo.
Matatandaang ang assegno di maternità statale ay natatanggap lamang noon ng mga dayuhang mayroong permesso di soggiorno per soggiornanti di lungo periodo.
Ang aplikasyon ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng:
- contact center ng INPS, sa toll-free number 803164 (libre sa landline) o 06164164 (mula sa mobile phone),
- sa tulong ng mga Patronato,
- sa pamamagitan ng SPID, ang electronic identity card o CIE o Carta d’Identità Elettronica.