Isang bagong ordinansa ang nilagdaang ng Ministro ng Kalusugan at Ministro ng Imprastraktura at Transportasyon noong March 28 kung saan nasasaad ang pagpapatupad ng mahigpit na patakaran para sa lahat ng mga papasok sa Italya sa pamamagitan ng anumang uri ng transportasyon (sa himpapawid, sa dagat, o maging sa lupa tulad ng tren, bus, at pribadong sasakyan), upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
Sa bagong patakaran ay kasama maging ang mga residenteng OFW na pansamantalang lumabas ng bansang Italya.
Sa ilalim ng ordinansang ito, lahat ng papasok sa Italya, kahit na walang anumang sintomas ng COVID-19, ay kailangang sumailalim sa health surveillance at quarantine sa loob ng 14 araw sa kanilang bahay o address na tutuluyan sa Italya.
Bago magtungo sa Italya ay kailangang sagutan ang isang form kung saan ide-deklara, bukod sa mga personal information at tel. number, ang dahilan ng pagpunta sa Italya, kumpletong address ng bahay o tutuluyan dito kung saan mananatili habang sumasailalim sa quarantine. Pati ang sasakyang gagamitin upang makarating sa bahay o tutuluyan ay kailangang ideklara rin. Ang form ay isa-submit sa airline bago umalis papuntang Italya.
Kaugnay nito, ayon sa isang Paalala ng Philippine Embassy sa Rome, ay kailangan din umanong agad na ipaalam ang pagdating sa Dipartimento di Prevenzione ng Azienda Sanitaria Locale (ASL) o local health unit na nakakasakop sa inyong bahay o lugar na tutuluyan.
Lakip ng Paalala ang link ng self-declaration form mula sa website ng Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation (MFAIC).
“Ipinapaalala ng Embahada sa lahat ng mga Pilipinong babalik sa Italya na sundin ang mga patakarang ito”.