Pinalawig ni Health Minister Roberto Speranza hanggang April 30, 2021 ang pinaka huling regulasyon para sa mga babalik sa Italya mula sa Europa. Kabilang dito ang sinumang nagkaroon ng stop over sa huling 14 na araw sa mga bansa ng Europa.
Ayon sa ordinansa ni Speranza, ang lahat ng mga papasok o magbabalik sa Italya mula Europa ay kailangang:
- Sumailalim sa swab test (molecolare o antigenico) 48 na oras bago ang pagpasok o pagbalik sa Italya at may resulta na ‘negatibo’;
- Kahit negatibo ang resulta ng swab test, ay sasailalim sa 5 araw na fiduciary isolation at health surveillance;
- Panibagong swab test (molecolare o antigenico) sa pagtatapos ng 5 araw na isolation.
Samantala, nananatili ang 14 days fiduciary isolation sa sinumang magmumula sa labas ng Europa.
Nilalaman din ng ordinansa na simula April 7 ay kabilang sa List C o listahan ng mga Safe Countries ang Austria, Israel, UK at North Ireland.