Magsisimula sa July 1, 2021 ang pagbibigay ng bonus bollette o ang bonus para sa mga house bills tulad ng luce (kuryente), gas at acqua (tubig). Narito ang mga dapat malaman.
Paano mag-aplay at paano matatanggap ang bonus bollette 2021
Batay sa ISEE, ang bonus ay awtomatikong matatanggap ng mga kwalipikadong mamamayan at pamilya at hindi na kakailanganin pa ang mag-aplay. Ito ay mababasa sa website ng Arera o Autorità di Regolazione per Energia Reti e Ambiente.
Ang bonus ay dapat na nagsimula noong nakaraang Enero 2021 ngunit dahil sa Privacy ay naudlot ito ng ilang buwan. Ang buong halaga ng bonus samakatwid ay matatanggap sa buwan ng July.
Mga requirements upang matanggap ang bonus bollette 2021:
- Miyembro ng pamilya na mayroong ISEE na hindi lalampas sa € 8.265;
- Kung ‘famiglia numerosa’ o miyembro ng pamilya na mayroong 4 na dependent na anak o ‘a carico’, ang ISEE ay hindi lalampas ng €20,000;
- Tumatanggap ng Reddito di Cittadinanza o Pensione di Cittadinanza;
Tadaan na upang matanggap ang bonus ay kailangang naka-pangalan ang house bill – luce, gas at tubig sa isa sa miyembro ng pamilya.
Ano ang dapat gawin upang matanggap ang bonus bollette 2021?
Ang mga kwalipikado ay hindi na kailangang magsumite ng aplikasyon sa Comune o sa Caf. Sapat na ang paggawa ng Dichiarazione Sostitutiva Unica (DSU) upang magkaroon ng ISEE.
Kung ang pamilya ay nagtataglay ng isa sa mga nabanggit na requirement, ay ipapadala ng Inps ang mga datos sa SII (Sistema Informativo Integrato, gestito dalla società Acquirente Unico) na magsusuri ng mga natanggap na datos mula sa mga supplier ng kuryente, gas at tubig, at magpapahintulot sa pagbibigay ng bonus.
Para sa bonus luce dahil sa kapansanan ay hindi awtomatikong matatanggap ang bonus. Kailangan pa din ang magpunta sa ASL para sa pagsusumite ng medical certificate.
Magkano ang bonus bollette 2021?
Bonus luce
Ang bonus luce ay batay sa bilang ng miyembro ng pamilya. Partikular, mayroon itong 3 parte:
- € 128,00 para sa mga pamilyang mayroong 1-2 miyembro;
- € 151,00 para sa mga pamilyang mayroong 3-4 na miyembro;
- € 177,00 para sa mga pamilyang mayroong higit sa 4 na miyembro.
Para sa bonus luce dahil sa kapansanan, ang halaga nito ay mula € 189,00 hanggang maximum na € 676,00.
Bonus gas
Para sa binus gas, ang halaga ay batay sa 3 dahilan:
- Bilang ng miyembro ng pamilya;
- Dahilan ng gamit ng gas (kung para sa hot water, pagluluto at/o heater.
- Lugar (ang Italya ay nahahati sa 6 na zona climatica: A,B,C,D,E,F)
Ang halaga ng bonus ay mula € 30 hanggang maximum na € 245,00 sa isang taon.
Bonus Acqua
Walang itinakdang halaga para sa bonus acqua. Para sa mga pamilya na kwalipikado, sa pamamagitan ng bonus acqua ay maaaring libreng gumamit ng 18,25 cubic meters ng tubig sa isang taon ang isang pamilya.