Nagbigay na ng pahintulot ang Agenzia Italiana del Farmaco (AIFA) para sa booster dose sa mga nabakunahan ng Johnson & Johnson, anim na buwan matapos ang solong dosis. Sa pangalawang dosis ay gagamitin ang bakunang mRna (Pfizer o Moderna).
Sa Italya, mahigit sa 1.5 milyong katao ang binakunahan ng isang solong dosis ng J&J at samakatwid, maaari lamang magpabakuna ng ikalawang dosis o ng tinatawag na booster dose, anim na buwan makalipas ang nauna.
Ayon sa ilang pag-aaral, ang proteksyon ng bakunang J&J sa malubhang uri ng covid19 at hospitalization ay mananatiling epektibo hanggang anim na buwan.
Kaugnay nito, nagsimula na ang pagbabakuna ng J&J noong Abril at inaasahan na sa lalong madaling panahon ay magpapatuloy sa pagbabakuna ng ikalawang dosis.
Sa pamamagitan ng isang Circular mula sa Ministry of Health ay ipinatutupad ang indikasyon ng AIFA sa Italya. (PGA)