Simula January 2025, babalik na sa €90 ang Canone Rai.
Noong nakaraang taon, ang gobyerno ay tila nagbigay ng unang hakbang tungo sa unti-unting pagtanggal ng bayaring ito. Sa katunayan, binawasan ang halaga ng Canone Rai ng € 20 – mula €90 ay ginawang €70, sa ilalim ng Budget law 2024.
Gayunpaman, sa bagong Budget law 2025, na inaprubahan ng Parlamento noong December 28, 2024, ay hindi kasama ang bawasan muli ang halaga ng Canone Rai. Sa kabila ng ilang panukala na sinubukang ipasa sa Parlamento upang maiwasan ang pagtaas, ang pagtaas ay opisyal na nakumpirma.
Canone Rai, paano babayaran
Simula noong 2016, ang Canone Rai ay awtomatikong sinisingil bilang bahagi ng bill ng kuryente ng bawat sambahayan sa Italya upang masiguro ang mas epektibong koleksyon. Ang paraan ng pagbabayad ay nananatiling pareho, kasama ng bill ng kuryente. Ang halagang €90 ay mahahati sa 10 hulog na tig-€ 9 bawat buwan, kumpara sa 10 hulog na tig-€ 7 bawat buwan noong 2024.
Gayunpaman, ang mga kwalipikadong indibidwal ay maaaring humiling ng exemption sa pagbabayad nito.
Exemption sa Canone Rai at paano mag-apply
Ang exemption sa Canone Rai ay inilalaan para sa ilang partikular na kategorya. Una, para sa mga taong nagdeklara na walang telebisyon sa mga tirahan kung saan nakatira ang kanilang pamilya. Para mag-aplay ng exemption sa kasong ito, kailangang i-fill up ang isang deklarasyon gamit ang isang form mula sa Agenzia delle Entrate.
Ang exemption ay inilalaan din para sa mga indibidwal na edad 75 pataas, na may taunang kita (pati na rin ng kanilang asawa) na hindi lalampas sa € 8,000, sa kundisyong wala silang kasamang naninirahan na may sariling kita (maliban sa mga posibleng kasambahay, tulad ng caregiver, colf).
Kung nag-75 anyos bago ang January 31, ang exemption ay buo para sa buong taon. Gayunpaman, kung nag-75 anyos sa pagitan ng February 1 at July 31, ang exemption ay balido lamang sa second semester ng taon.
Ano ang Canone Rai? Bakit ito obligadong bayaran?
Ang Canone Rai ay isang taunang bayad na ipinapataw sa lahat ng mga residente ng Italya bilang kontribusyon para sa public broadcasting services na ibinibigay ng RAI (Radiotelevisione Italiana), ang pambansang serbisyo ng telebisyon at radyo sa Italya. Ito ay kailangang bayaran ng lahat ng mga sambahayan na mayroong telebisyon o kagamitan na maaaring tumanggap ng broadcast signals, kahit hindi man aktwal na ginagamit ang mga ito para sa panonood ng mga programa ng RAI.
Ang bayaring ito ay ginagamit upang pondohan ang mga public service programs ng RAI, kabilang ang balita, edukasyon, kultura, at iba pang serbisyo na walang bayad para sa publiko. Ang layunin nito ay tiyakin na ang RAI ay patuloy na nagbibigay ng de-kalidad at walang kinikilingang serbisyo na nagsisilbi sa interes ng buong populasyon ng Italya.
Ang pagbabayad ng Canone Rai kasama ng bill ng kuryente ay ipinatupad noong 2016 sa ilalim ng Stability law, ngunit idineklara itong iligal na paraan ng koleksyon ng European Union. Maging ang Ministro na si Giorgetti ay nagpahayag noong 2023 na malinaw na kailangang tanggalin ang Canone Rai sa bill ng kuryente at mayroon umanong iba’t ibang mga opsyon ng reporma na pinag-aaralan. Subalit, sa kabila ng pahayag ng Ministro at mga kasunduan sa European Union noong 2022, wala pa ring alternatibong paraan ng pagbabayad na natagpuan hanggang ngayon.