Mabagal ang naging usad ng inaasahang sana’y isang rebolusyon.
Marso 17, 2017 – Ang carta d’identità elettronica o CIE ay ang identity card na unti-unting pinapalitan ang kasalukuyang papel na carta d’identità na iniisyu sa mga Comune.
Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling hindi pa handa ang maraming Comune at umabot lamang sa 300,000 ang mga na-isyung electronic document ng 199 Comune (sa loob ng halos 8,000 Comune) na nag-iisyu nito.
Sa kabila nito, ayon ng Repubblica, inaasahang magkakaroon umano ng CIE sa buong bansa hanggang sa susunod na taon.
Ang pagbabagong ito ay nasasaad sa Bassanini law 1997 at inaasahang aabot sa 7-8 milyong card kada taon ang mapapalitan at magtatagal mula 8 hanggang 9 na taon.
“Bukod sa hindi angkop ang mga materyales, ang pagsasakatuparan nito, sa kabila ng pagiging isang proyekto ng estado, ay nakasalalay sa isang private company ang Laser memory card, na dumaan sa security restrictions”, ayon kay Paolo Aielli, and administrator ng State Institute of Printing and Minting.
Ang mga CIE ay ginagawa sa Roma, sa Via Salaria kung saan ginagawa ang mga permit to stay, passports at ibapa.
Paano ang mag-aplay nito? Sa mga Comune kung saan ito ay ipinatutupad na, ang mga aplikante ay kailangang magtungo sa window, mag-aplay, mag-iwan ng fingerprint at magbayad ng 22 euros. Mag-iiwan rin ng ID picture, katulad ng ginagamit sa pasaporte.
Ang mga personal informations ng aplikante ay makakarating sa Viminale at sa State Institute for Printing and Minting at sa loob ng ilang araw ay matatanggap ang identity card sa pamamagitan ng koreo.