in

Covid 19 Vaccine, kailan ba ito lalabas sa merkado?

Ang pandemic na dala ng COVID 19 virus sa kasalukyan ay nagtala na ng higit kalahating milyong tao na nagkaroon ng impeksyon buhat dito mula sa ibat ibang bansang apektado, sa loob lamang ng halos 3 buwan.  Ang ilang mga bansa ay sumailalim na rin sa lockdown para makontrol ang pagkalat nito.  Ang pang araw-araw na pamumuhay ng tao ay naapektuhan at marami ang umaasa na vaccine o bakuna ang kasagutan ng krisis na ito.

Ano ang vaccine o bakuna?

Ang vaccine o bakuna ay naglalayon na ihanda ang katawan na gumawa ng immunity o proteksyon laban sa isang nakakahawang sakit.  Ang mga bakuna ay ginagawa mula sa isang replica  o imahe ng virus o bacteria na nagdudulot ng sakit, ngunit ito ay tinanggalan ng mga elemento nitong nakapagdadala ng impeksyon. Inaasahan na kapag ito ay pumasok sa loob ng katawan ng tao, ang immune system ay gagawa ng mga antibodies (mga protina sa dugo na lumalaban sa mikrobyong may dala ng sakit) na lalaban dito.  Sa ganitong paraan, kapag ang taong binakunahan na ay mahawaan ng ganitong uri ng virus o bacteria, ang katawan niya ay mayroon ng antibodies na lalaban dito. Kinakailangan din mabakunahan ang malaking porsyento ng kumunidad upang magkaroon na tinatawag na “herd immunity” upang tuluyang bumagsak ang bilang ng impeksyon.

Mayroon na bang bakuna para sa COVID 19?

Mula ng inilabas ng Tsina ang tinatawag na “genome” o replika ng COVID 19 virus noong Pebrero, mayroon nang 43 na bakunang ginagawa para dito mula sa ibat ibang unibersidad at kumpanya sa buong mundo.  Bunga ng genetic engineering, naging posible na maisagawa ito ng maikling panahon.  Ngunit, bago ito ilabas sa merkado at magamit ng komunidad, kailangan muna nilang dumaan sa tinatawag na clinical trials. May tatlong yugto ang pagsasagawa ng clinical trials. Bawat yugto ay padami ng padami ang bilang ng tao na sasailalim sa trials hanggat umabot ng libo libo. Kailangan gawin ito upang masiguro ang pagiging epektibo at ligtas ng vaccine.  Tatandaang may mga pagkakataon na ang bakuna, kung hindi nasuri ng mabuti, nakakapagdulot ng mas matinding karamdaman.  

Kailan maging available ang vaccine o bakuna?

Mayroon ilang vaccine o bakuna na ang kasalukuyang dumadaan sa clinical trials, kagaya ng mga bakunang gawa ng Moderna sa Estados Unidos at ng Can Sino Biologics ng Tsina.  Ang clinical trials ay sinasabing umaabot hanggang 8 buwan. Ang kumpanya na INOVIO ay nagsasabi na inaasahan nilang ilalabas ang resulta ng unang clinical trials sa buwan ng Setyembre 2020, at kung papasa ito, pwede silang makagawa ng unang batch na gagamitin pang emergency, o sa mga healthcare workers, sa katapusan ng taong 2020.  Karamihan ng eksperto, nagsasabi na ang bakuna ay maaring lumabas ng 12 hanggang 18 buwan mula sa kasalukuyan. Pinaalala nila na ito ay hindi pwedeng madaliin, kahit na sinisikap nila ang lahat na magawa ito ng mabuti sa loob ng pinakamaikling panahon.

Mainam din na tandaan natin na ang paglaban sa pandemic na ito ay hindi lang sa vaccine nakasalalay. Kailangan din gawin ang maayos na paghuhugas ng kamay, pagsunod sa social distancing, pananatili sa tahanan, at pagsulong sa katatagan ng healthcare system.  ni: Elisha Gay C. Hidalgo, RND (Registered Nutritionist Dietitian)

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Reddito Alimentare

Hanggang saan ako pwedeng mamili o mag-grocery sa panahon ng paghihigpit?

Abiso ng pangongontrol sa mga Condominiums mula Ministry of Interior, walang katotohanan!