Dalawang linggo makalipas ang peak ng fourth wave ng Covid sa Italya ay tatalakayin ng teknikal na komisyon ng Agenzia Italiana del Farmaco o AIFA ang posibilidad na ibigay ang fourth dose ng bakuna kontra Covid19 sa ilang kategorya.
Sa kasalukuyan ay wala pa namang opisyal na posisyon ang Italya ukol sa pagbabakuna ng fourth dose. Sa katunayan, ay tila wala ng balak ang gobyerno na palawigin pa ang State of Emergency sa pagtatapos nito sa March 31, 2022 – maliban sa pagkakaroon ng mga hindi inaasahang kaganapan. Gayunpaman, malaki ang posibilidad na palawigin ang gamit ng Super Green pass.
Fourth dose, dapat bang gawin?
Ang layunin ng posibleng ika-apat na dosis ng bakuna kontra Covid ay upang maiwasan ang fifth wave at maiwasan ang pagdami ng mga posibleng biktima nito. Ito ang dahilan kung bakit isinasaalang-alang ng AIFA ang pagbibigay nito sa mga taong immunosuppressed. Alam natin na ang immunity sa sakit hatid ng bakuna ay para sa limitadong panahon lamang. At hindi pa rin alam kung gaano kabisa ang karagdagang bakuna.
Sa paglabas ng mga bagong variant – na hindi malayong mangyari ayon sa WHO – ang panganib sa pagkakaroon ng parehong sitwasyong katatapos lamang ay siguradong hindi maiiwasan. Sa ngayon, ang AIFA ay nag-hypothesize ng isang seasonal booster, upang magbigay ng coverage bago ang taglamig o winter. Ipinaliwanag din ni Pfizer CEO Alber Bourla na ang yearly vaccine, tulad ng anti-influenzale, ay mas mainam kaysa sa mga booster na ibinibigay tuwing 4 o 5 buwan.
Anu-anong mga bansa ang nagbabakuna ng fourth dose?
Anim na bansa na ang opisyal na magkakaroon ng fourth dose. Nangunguna ang Israel na sinimulan na ang pagbabakuna ng fourth dose, apat (4) na buwan pagkatapos ng third dose. Noong una, ito ay inilalaan lamang sa mga over60s pagkatapos ay ibinigay na din sa ibang kategorya. Sa ngayon ay mayroong 700,000 katao na ang binakunahan ng fourth dose.
Sumunod ang mga bansang Denmark, USA, Hungary, Spain at Germany. Sa USA ay limang buwan ang pagitan pagkatapos ng third dose habang ang Hungary naman ang unang bansa sa Europa na ginawa itong available sa sinumang nais magpabakuna ng fourth dose. (PGA)