Bagaman walang publikong pagdiriwang at magarbong parada, ay hindi mapipigilan sa panahon ng krisis at lockdown ang paggunita ng bansa sa ika-75 anibersaryo ng Liberation Day.
Tuwing ika-25 ng Abril ay ipinagdiriwang ng Italya ang anibersaryo ng Liberation day, tinatawag din na Anniversary of the Resistance o anniversario della Resistenza.
Ito ay isang national holiday dahil mahalagang araw ito para sa kasaysayan ng bansa kung saan ginugunita ang paglaya ng bansa mula sa dominasyon ng Nasi-Pasista sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang katapusan ng malagim na kasaysayan kasabay ang simula ng kapayapaan at tagumpay hatid ng Resistance o Resistenza italiana, salamat sa mga nagbuwis ng buhay upang ito ay makamtan ng bansa.
Ang Liberation day ay prinoklama noong 1946 at ito ay naiiba sa Araw ng Republika o Festa della Repubblica na nagaganap tuwing Hunyo 2.
Sa mensahe ng Pangulo ng Republika Sergio Mattarella ay kanyang binigyang halaga ang mga Frontliners sa panahon ng krisis.
Lahat ng mga Frontliners na humaharap at lumalaban sa coronavirus ay nagpapakita ng diwa ng pagpaparangal sa Republika at pinagtitibay ang pagkakaisa ng bayan. Sama-sama nating malalampasan ang krisis na ito, tulad ng ating pinatutunayan sa kasalukuyan”.
Ayon pa kay Matarella, maibabalik ng nasyon sa kamay nito ang destino sa pamamagitan ng pakikisa ng lahat sa pagharap sa Phase 2.
Isang aksyon ng paglulunsad at makabagong kapasidad sa paghahanda sa lipunan at eknomiya kung saan lahat ay magiging bahagi nito politikal, sosyal, ekonomikal, propesyunal. intelektwal, ang lahat ng institusyon at mamamayan at manggagawa sa lahat ng sektor”.
Kaugnay nito, nag-iisang nag-alay ng bulaklak ang Pangulo ng Republika Sergio Matarella sa Altare della Patria, sa mahalagang monumento ng Milite Ignoto.
Ang Milite Ignoto ay naglalarawan sa militar na namatay sa digmaan at ang katawan ay hindi kailanman nakilala at ang kanyang libingan ay sumisimbolo sa lahat ng mga nagbuwis ng buhay para sa bansa bilang tunay na mga bayani. (PGA)