in

Italian Ambassador Giorgio Guglielmino, para sa Sining at Paglilingkod

Marahil ay ilan lamang sa mga manggagawang Pilipino sa Italya ang nakakakilala sa nakatalagang embahador ng Italya sa Pilipinas. Siya ay walang iba kundi si Ambassador GIORGIO GUGLIELMINO, na nagsimulang maglingkod sa embahada ng Republika ng Italya sa Pilipinas noong ika-7 ng Agosto, 2017.

Nagsimula siya sa kanyang serbisyo-diplomatiko noong taong 1984 matapos sa kurso niyang Political Science sa University of Genova. At mula noon ay natalaga na sa iba’t ibang posisyon sa Roma, London, Kenya, India, Argentina, at Bangladesh.

Sa panayam sa kanya ni Millet Mananquil ng pahayagang The Philippine Star, nabatid natin na siya pala ay maka-sining, at makikita ito sa mga muwebles at dekorasyon sa kanyang tinutuluyan tahanan , sa koleksiyon niya ng mga art pieces gaya ng mga kuwadro na obra ng mga kilalang pintor at sa mga libro na kanyang naisulat ukol sa Arte.

Ang mga librong ito ay ang mga sumusunod: Stolen Art, How to look at Contemporary Art, Ladies and Gentlemen(200 People that Count in the Art World), at This is Now. Mayroon din siyang isang librong pambata, Beatrice and the Transavanguardia.

Sa bago niyang libro, ang The Originals,  na ilulunsad sa buwan ng Pebrero kaalinsabay ng pagdiriwang ng Art Fair Philippines, nakapaloob dito ang mga napili niyang 30 artista na may malaking kontribusyon sa daigdig ng sining. At may isang Pilipino ang napabilang dito. At sa kauna-unahang pagkakataon, isang art gallery mula sa Napoli, Italya ang lalahok naman sa Art Fair.

Bahagi din siya ng Ateneo Art Awards kung saan ang Embahada ng Italya ay pumipili at bumibili ng isang obra. Ang maiipong obra ay mapapabilang sa koleksiyon at isasali sa mga eksibit at permanente ding ilalagak sa Italian Embassy para makita ng madla.

May plano din siyang isang malaking eksibisyon , ang Arte Povera-the Italian Landscape, na magbubukas sa Metropolitan Museum sa ika-8 ng Pebrero, 2020.

Sa kanya namang paglilingkod bilang embahador, nabanggit niya ang magandang kalakalan ng Pilipinas at Italya, kung saan ang mga magagarang sasakyan na gaya ng Ferrari, Lamborghini at Masserati ay nagkapuwang sa merkado, maging ang mga de-kalidad na muwebles gaya ng Cappelini, Toscarini at Magis ay naging tampok  na rin sa mga tahanang Pilipino. Isang patunay din ang pagtangkilik ng mga Pinoy sa mga produkto ng Armani, Versace, Bulgari, Dolce and Gabbana at Tod’s.

Sa parte naman ng Pilipinas, ang pinakamalaking bahagdan naman ng eksport nito sa Italya ay ang mga Pilipinong nagtutungo dito upang manirahan at maghanap-buhay. Di ito maikakaila dahil sa huling tala ay may halos 200,000 libong Pilipino na ang nasa Italya, kasama ang kani-kanilang pamilya at nakapag-integrasyon na sa mga Italyano at iba pang migrante.

Natanong din siya kung ano ang balak niyang gawin sa kanyang pagreretiro at tinugon niya ito na nais pa rin niyang manatili pa ng apat na taon sa Pilipinas at mamuhay dito dahil naniniwala siya na ang sentro ng mundo ay patungo sa Asya at gusto niyang magisnan ito.

Pero isa sa kanyang pangarap habang siya ay nasa paglilingkod pa ay ang makita na ang Philippine Airlines ay direkta nang lilipad sa Italya at maserbisyuhan ang mga Pilipinong nagtutungo dito at bumabalik sa Pilipinas. Nagkaroon na siya ng pangunahing hakbang ukol dito sa pamamagitan ng pag-imbita sa mga opisyales ng airport sa Roma at pinag-usapan ang posibleng oras ng paglipad mula sa Manila sa ganap na ika-11 ng gabi at darating sa Roma ng ika-6 at kalahati ng umaga, oras sa Italya. Ito ay isang pangarap niya na nais niyang matupad bago matapos ang dalawang taong serbisyo pa niya.

Para sa kaalaman din ng lahat , ang Embahada ng Italya ay lumipat na ng opisina mula sa Makati at matatagpuan na ito ngayon sa 5thFloor, Tower B, One Campus Place McKinley Hill sa Taguig City, Metro Manila.                                                                                           ni: Dittz Centeno-De Jesus

Pinagkunan: Website of Ambasciata D’Italia, Manila

                          The Philippine Star (Milette Mananquil)

                        Larawan – mula sa PHILSTAR Global

 

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Winter sale 2020, sinimulan na sa Italya!

Commissione per la Rappresentanza degli Stranieri, ibabalik sa Padova