Simula sa May 15 ay inaasahan ang karagdagang pagluluwag sa mga restriksyon sa mga rehiyon sa zona gialla tulad ng nasasaad sa decreto Riaperture na nagsimula noong nakaraang April 26, 2021. At matapos ang pagbubukas ng mga bar at restaurants sa outdoor at pagbubukas ng mga cinema hanggang sa kalahati ng maximum capacity nito, ay haharapin ng gobyerno ang pagsusuri sa mga datos ng covid at sa bilang ng mga nabakunahan kung ang mga ito ay magpapahintulot sa karagdagang pagluluwag sa mga restriksyon. May 15 at 17, June 1 at 15 at pagkatapos at July 1, ang mga inaasahang petsa.
May 15
Ang ordinansa ni Health Minister Roberto Speranza na nagpapataw ng 5-araw na mandatory quarantine at 2 swab tests para sa sinumang (Italyano o dayuhan) papasok sa Italya mula EU, ay magtatapos. Samakatwid, ang Italya ay muling magbubukas sa turismo sa pagkakaroon ng National green pass. May pahintulot na din ang pagpunta sa ibang rehiyon na nasa ilalim ng zona gialla at para sa mga rehiyon na nasa zona arancione at rossa sa pagkakaroon ng certificato verde. Makakapagbukas na ulit ang mga outdoor swimming pools. At ang pinakahihintay na pagbubukas ng mga malls o centri commerciali sa weekend.
May 17
Ayon sa mga pinakahuling ulat, simula May 17 ay posibleng magkaroon ng pagbabago sa oras ng curfew o coprifuoco.
June 1
Maraming pagbabago ang inaasahan sa June 1 sa zona gialla. Una na dito ang pagbubukas ng mga bar at restaurants, hindi lamang sa outdoor kundi pati indoor, mula 5am hanggang 6pm. Makalipas ang 7 buwang pagsasara, ay muling magbubukas ang mga gym, nang may mahigpit na pagpapatupad ng mga protocol. Kasabay na muling ang magbubukas ang danza at ibang indibidwal na sports. Magbubukas na ulit ang mga stadium at mga sports hall.
June 15
Sa mga rehiyon sa zona gialla ay pahihintulutan muli ang pagdiriwang ng mga okasyon tulad ng kasal.
July 1
Ayon sa road map ng gobyerno ay inaasahan din ang pagbabalik ng mga convention at congress. (PGA)
Basahin din:
- Decreto Riaperture, aprubado
- Italian green pass, ilulunsad sa kalahatian ng Mayo
- Italya, muling magbubukas sa Turismo