Tuwing ika-25 ng Abril ay ipinagdiriwang ng Italya ang anibersaryo ng Liberation day, tinatawag din na Anniversary of the Resistance o anniversario della Resistenza.Ito ay isang national holiday dahil mahalagang araw ito para sa kasaysayan ng bansa kung saan ginugunita ang paglaya ng bansa mula sa dominasyon ng Nasi-Pasista sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang katapusan ng malagim na kasaysayan kasabay ang simula ng kapayapaan at tagumpay ng Resistance, salamat sa mga nagbuwis ng buhay upang ito ay makamtan ng bansa.
Ang Liberation day ay prinoklama noong 1946 at ito ay naiiba sa Araw ng Republika o Festa della Repubblica na nagaganap tuwing Hunyo 2.
Sa Roma ay opisyal na binuksan ang ika-79 na anibersaryo ng Liberation Day ng Pangulo ng Republika Sergio Matarella sa Altare della Patria kung saan nagkaroon ng wreath laying o pag-aalay ng bulaklak sa mahalagang monumento ng Milite Ignoto.
Ang Milite Ignoto ay nangangahulugan ng isang militar na namatay sa digmaan at ang katawan ay hindi kailanman nakilala at ang kanyang libingan ay sumisimbolo sa lahat ng mga nagbuwis ng buhay para sa bansa bilang tunay na mga bayani.
Karamihan sa mga pangunahing lungsod ng bansa ay nagkakaroon ng mga parada upang gunitain ang mahalagang okasyong ito. (PGA)