Marami ang nagtatanong kung i-aatras ba o i-aabanti ng isang oras at kung madadagdagan ba o mababawasan ng isang oras ang tulog sa pagbabalik ng ora legale. Narito ang mga dapat malaman
Ang ora legale ay ang kasunduan sa pagitan ng mga bansa, hindi lamang ang Italya, na palitan nang mas maaga ng isang oras ang mga orasan sa pagpasok ng Spring time, na layuning magkaroon ng mas mahabang araw at bilang kapalit nito ay mas mahaba ang dilim sa umaga.
Ang ora legale na kilala din sa tawag na Daylight Savig Time, ay muling nagbabalik sa taong 2024. Samakatwid, ang mga orasan ay nakatakdang palitan ng oras. Ang pagpapalit ng oras ay magaganap sa Linggo, March 31. Kailangang ilipat ang mga orasan paabanti, mula alas 2 sa alas 3 ng madaling araw. Ito ay nangangahulugan na mas maigsi ang tulog ng isang oras at samakatwid, mas maaga rin ng isang oras babangon mula sa higaan.
Halaga ng Daylight Saving Time
Ang paggamit ng daylight saving time ay permanenteng ipinatupad simula noong 1966, at isa sa mga pangunahing dahilan sa pagpili upang tanggapin ang ganitong pagbabago sa oras ay ang pagtitipid sa enerhiya. Halimbawa, ayon sa kumpanya na Terna – Rete Elettrica Nazionale, ang nagsasagawa ng pagpapadala ng kuryente sa Italya, sa taong 2016 lamang ay nakatipid ng 573 milyong kilowatts per hr, dahil sa ora legale. Ito ay katumbas ng average na taunang konsumo ng kuryente ng 210 libong pamilya.