Magsisimula na ulit ang summer time o ang tinatawag na ora legale sa katapusan ng Marso. Ang mga orasan ay nakatakdang palitan nang mas maaga ng isang oras at magkakaroon ng mas mahabang araw kaysa sa gabi.
Ora legale 2022, ang oras at petsa ng pagpapalit ng oras
Sa Linggo, March 27 ay kailangang agahan nang isang oras o ilipat ang orasan paabanti, mula alas 2 sa alas 3 ng madaling araw. Ito ay ginagawa sa Europa sa lahat ng mga wall clock at mga wrist watch, habang awtomatiko naman ang pagpapalit ng oras sa mga smart phones, computer at ilang digital device.
Pagpapalit ng oras, matagal nang pinagtatalunan
Gaya ng nakaugalian tuwing huling Linggo ng Marso, ang mga bansa ng European Union ay nagpapatupad ng daylight saving time, at ito ay nananatili hanggang sa huling Linggo ng Oktubre, kung saan sa halip ay magbabalik sa winter/solar time. Gayunpaman, ito ay matagal nang pinagtatalunan sa EU. Matatandaang noong July 2018 ay unang isinulong ng mga bansa sa North Europe ang pagtatanggal sa pagbabago ng oras sa EU.
Ang Italya ay salungat at tumatanggi sa pagtatanggal na ito sa ora legale sa simula pa lamang. Dahil ang pagkakaroon ng ora legale, ay nagpapahintulot sa Italya na makatipid ng enerhiya na higit sa 400M kWh. na tinatayang aabot sa 205,000 tonelada ng CO2 na inilalabas sa atmosphere.
Kung ang mga bansa na nasa Hilagang Europa tulad ng Norway at Finland ay nakikinabang ng mahabang araw tuwing summer at dahil dito ang pagkakaroon ng iisang oras ay nagbibigay na nang mahabang oras ng sikat ng araw. Para sa ibang mga bansa tulad ng Spain at Italy, ang pagpapalit ng oras ay nagpapahintulot sa makabuluhang pagtitipid ng enerhiya.
Gayunpaman hanggang sa ngayon ay wala pang desisyon ang EU at para sa taong 2022 ay mananatiling may bisa ang ora legale at ora solare.
Paano haharapin ang mga epekto ng pagbabago ng oras?
Ayon sa mga eksperto, ang pagbabago sa oras ay maaaring makaapekto sa kalusugan at sa mood ng mga mamamayan. Ito ay nakakaapekto sa oras ng pahinga at pagkain na maaaring humantong sa problema sa konsentrasyon sa araw. Ito ay maaari ring magdulot ng pagka-irita at maaaring humantong sa depresyon.
Upang maayos na maharap ang pagbabago sa ritmo ng araw-araw na pamumuhay, ay maaaring tulungan ang sarili sa pamamagitan ng paggugol ng ilang oras sa open air, marahil sa pamamagitan ng physical activities o exercises sa park na magpapahintulot sa ating katawan na muling i-synchronize ang ating internal clock. (PGA)