Inaprubahan kaninang umaga ng Konseho ng mga Ministro, batay sa indikasyon ni Presidente Mario Draghi at Health Minister Roberto Speranza, ang isang decreto legge na nagtataglay ng pagpapalawig ng mga anti-Covid19 preventive measures.
Kabilang na dito ang pagbabawal magpunta ng ibang Rehiyon hanggang March 27, 2021, maliban na lamang kung ang dahilan ay trabaho, kalusugan at pangangailangan. Ang mga dahilang pinahihintulutan ay kailangang patunayan sa pamamagitan ng Autocertificazione. Gayunpaman, may pahintulot din ang pag-balik sa sariling rehiyon.
Bukod dito, hanggang March 27, 2021, sa mga rehiyon na nasa ilalim ng zona rosse ay ipinagbabawal din ang pagbisita o pagpunta sa ibang bahay, maliban lamang sa dahilan ng trabaho, kalusugan at pangangailangan.
Samantala, mula 5 am hanggang 10pm, ang mga rehiyon na nasa ilalim ng mga zona gialla ay may pahintulot magpunta sa ibang bahay sa loob lamang ng sariling rehiyon at ang mga rehiyon sa ilalim ng zona arancione ay may pahintulot magpunta sa ibang bahay sa loob lamang ng sariling Comune. Nananatiling ang kundisyon ay hanggang dalawa katao lamang at ang mga mas bata sa 14 anyos at may kapansanan ay hindi kasama sa bilang. (PGA)