Sa lumalaganap na paniko hinggil sa corona virus o Covid-19 dito sa Italya, naging masigasig ang pagtugon ng pamahalaang Italya para sa seguridad na pangkalusugan ng mga mamamayan. Naglabas na ito ng mga paalala para mapigilan ang pagkalat nito sa buong bansa. Base sa mga ulat ay malaking bahagi ng datos ay nasa Hilagang Italya ang maraming apektado.
Sa kasalukuyan, sarado ang mga eskwelahan sa mga rehiyon ng Hilagang Italya, gaya ng Lombardia, Veneto, Emilia Romagna at Piemonte, mula Pebrero 24 hanggang sa ika-1 ng Marso. May mga ebento na rin na kundi man kanselado ay ipinagpaliban muna. Maging ang mga simbahan, partikular sa probinsiya ng Bologna ay naglabas na rin ng pahayag hinggil sa mga pangrelihiyong selebrasyon gaya ng Miyerkoles na Pagpapahid ng Abo, ang Banal na Misa at para sa mga kasal at libing. Ang mga sinehan, palaruan, mga museo at mga negosyo ay isinara pansamantala. Nagkaroon din ng pagkaubos ng mga pangunahing bilihin sa ilang mga negosyo at merkado dahil sa maramihang pamimili.
Itinuturing na ang Italya na ikatlong bansa sa buong mundo na may pinakamaraming kaso na nagpositibo sa corona virus, pangalawa ang South Korea at una ang China. Ayon sa Emergenza Coronavirus, sa ngayon ay anim na ang pumanaw. Ang mga pinakahuli ay isang 80 anyos mula Milan, 88 anyos na taga Casella Landi sa Lodi at isang 84 anyos na taga-Bergamo. Ang naunang tatlo ay isang may edad 78 mula sa Veneto, ikalawa ay mula sa Lombardia at ang ikatlo ay sa Crema, Lombardia din. Lahat ay mga Italyano. Samantala higit na sa 200 ang kasong positibo sa virus at inoobserbahan sa mga rehiyong nabanggit at maging sa ilang parte ng Italya. Ang unang dalawang kumpirmadong kaso na positibo sa virus nitong nakaraang buwan ng Enero ay dalawang turista na nagmula sa Chiina at nagbakasyon sa Roma na patuloy naman ang paghusay ng kundisyon, ayon sa pinakahuling ulat.
Ang Italya din ang unang bansa na nagsuspinde ng mga biyaheng panghimpapawid mula at papunta sa China. Nagkaroon na din ng mga pagkontrol sa mga pasahero sa aeroporto at mga daungan, at nitong huli ay sa mga istasyon ng treno. Ang ilang bayan ay nagkaroon na ng regulasyon ng pagsasara sa paglabas at pagpasok sa kanilang lugar.
Ang Ministero della Salute ay naglabas na rin ng mga paalala ukol sa pangangalaga ng katawan, pakikisalamuha sa iba, kalinisan at sanitasyon din ng paligid at ang komunikasyon na bukas para sa mga may mahahalagang katanungan at may mga dinaranas na sintomas . Ang mga toll free number ay 1500.
Ang Prime Minister na si Giuseppe Conte ay nakiusap sa mga mamamayan na huwag bigyang-daan ang paniko bagkus ay sumunod sa mga payong pangkalusugan ng mga awtoridad. May nakahanda ring pondo ang gobyerno upang kontrolin at pamahalaan ang sitwasyon sa mga susunod pang anim na buwan. Nagdesisyon na rin si Pangulo Sergio Matarella na pirmahan ang Decreto Coronavirus para higit pang mabigyan ng importansiya ang mga programa at regulasyon na makakatulong sa malawakang pagkontrol sa paglaganap ng virus sa bansa.
Sa Bologna, nagdesisyon si Sindaco Virginio Merola na magbuo ng isang grupo na magmomonitor sa kalagayan sa buong probinsiya. Sila ang tutugon sa mga tawag mula sa mga hihingi ng opinyong pangkalusugan o iba pang pangangailangan, kung kailangan bang hingan ng blood samples o kaya ay ikwarantina. Ito rin ang magpapalaganap ng mahahalagang impormasyon. Sa kasalukuyan ay wala pang nauulat na nagpositibo sa virus sa probinsiya ng Bologna.
Mahalaga na sa halip na mag-paniko at magkalat ng takot sa kapwa ay bigyan ng paalala ang pamilya na magdagdag ng pag-iingat sa sarili, sumunod sa mga regulasyon ng komuneng kinasasakupan, makipag-ugnayan sa tamang awtoridad kung may mga sintomas na nararamdaman, umiwas muna sa mga mataong lugar, ipagpaliban ang paglalakbay at manatiling nakatuon sa pagmomonitor ng kasalukuyang sitwasyon sa kapaligiran. (ni: Dittz Centeno-De Jesus – larawan: AGI)