Ang pagpapaliban sa pagbabayad ng ‘contributi inps’ ay mahalagang hakbang para sa mga employers sa domestic job sa panahong pabigat ng pabigat ang epekto sa ekonomiya ng coronavirus.
Ipinaabot ng Assindatcolf, ang asosasyon ng mga colf, caregivers at babysitters kay Labor Minister Nunzia Catalfo, na nahaharap din sa malaking panganib ang domestic sector.
Nanganganib na mawalan ng trabaho at manatiling walang anumang proteksyon, ang mga colf, babysitters at caregivers sa kasong ang pamilyang pinaglilingkuran ay magdesisyong huwag paalagaan muna ang mga magulang upang ilayo sa panganib na mahawa ang mga ito sa virus dahil karaniwang matatanda ang nabibktima ng covid-19.
Sitwasyong mahirap harapin at nangangailangan ng isang spesipikong regulasyon, ayon sa Assindatcolf.
Kaugnay nito, hiling ng nabanggit na asosasyon na pansamantalang ipagpaliban muna ang pagbabayad ng kontribusyon sa Inps sa domestic job.
“Hinihiling namin sa Gobyerno ang posibilidad na ipagpaliban muna ang deadling ng pagbabayad ng kontribusyon para sa social security ng mga colf bilang pagpapagaan sa mga pamilya kung saan nagta-trabaho ang mga colf, caregivers at babysitters, na sa kasalukuyan ay nahaharap sa isang emerhensya. Hiling namin na ito ay isama bilang isa sa mga hakbang bilang paglaban at maiwasan ang panganib na mawalan ng trabaho ang mga colf”, ayon sa bisepresidente ng Assindatcolf na si Andrea Zini. (ni: PGA)