Online na sa website ng Inps at sinimulan ngayong araw ang pagsusumite ng aplikasyon ng Reddito di Emergenza o REM.
Ito ay isang tulong pinansya mula sa gobyerno ng Italya na nagkakahalaga mula € 400 hanggang € 800, upang matulungan ang mga pamilya na nasa kundisyon ng kahirapang pinansyal dahil sa Covid19.
Ito ay nasasaad sa artikulo 82 ng inaprubahang DL n. 34 ng May 19, 2020 o ang kilalang DL Rilancio.
Ang nabanggit na ayuda ay matatanggap sa loob ng dalawang (2) buwan at batay sa ISEE na mas mababa sa € 15,000. Ang aplikasyon nito ay hanggang June 30, 2020, sa tulong ng mga patronati o sa pamamagitan ng website mismo ng Inps, gamit ang pin code o ang SPID, Carta Nazionale dei servizi at Carta d’Identità elettronica.
Ang Reddito di Emergenza ay nakalaan sa mga walang natanggap na anumang ayuda mula sa gobyerno sa panahon ng krisis tulad ng Reddito di Cittadinanza o Naspi. Makakapa-aplay ang mga nasa ‘lavoro nero’, walang trabaho o disoccupati na hindi nakakatanggap ng unemployment benefit o Naspi. Samantala, hindi ito maaaring i-aplay ng mga tumatanggap ng pension pati na rin ang mga nakatanggap ng bonus na nagkakahalaga ng € 600 na mga entrepreneurs. (PGA)