Sa darating na Linggo, June 8 mula 7:00 AM hanggang 11:00 PM, at Lunes, June 9 mula 7:00 AM hanggang 3:00 PM, gaganapin sa Italya ang tinatawag na ‘Referendum Abrogativi’ ukol sa trabaho at citizenship.
Ang mga mamamayang Italyano, kasama ang mga naturalized Italians tulad ng mga Pilipino na naging Italian citizen, ay tinatawagang sumagot ng OO o HINDI sa limang katanungan.
Para maging balido ang resulta ng Referendum, kinakailangang makamit ang quorum o 50% + 1 ng kabuuang bilang ng mga botante.
Ang mga Tanong sa Referendum
Ang mga botante ay hihingan ng opinyon sa limang tema (quesiti). Bawat isa ay may iba’t ibang kulay ng balota:
- Green – para sa una: Jobs Act (Mga proteksiyon sa trabaho at hindi makatwirang pagtatanggal sa trabaho)
- Orange – para sa pangalawa: Pagtatanggal sa Trabaho sa mga maliliit na kompanya
- Gray – para sa pangatlo: Precariato/Temporary Work
- Pink – para sa pang-apat: Security sa trabaho
- Yellow – para sa panglima: Italian Citizenship
Ano ang Kahulugan ng ‘Sì’ at ‘No’?
Dahil ito ay isang Referendum Abrogativo, layunin nito ang pagpawalang-bisa ng umiiral na mga batas o bahagi nito. Markahan o lagyan ng X ang nais na sagot.
- Kapag bumoto ng “Sì”, ibig sabihin ay nais mong tanggalin ang nasabing batas o probisyon.
- Kapag bumoto ka ng “No”, ibig sabihin ay nais mong manatili ito sa kasalukuyang anyo.
Ang nasabing referendum ay isinulong ng CGIL, ang nangungunang labor union sa Italya at Più Europa, isang partidong maka-Europa at sinuportahan ng iba’t ibang grupo tulad ng Possibile, Radicali Italiani, Rifondazione Comunista, at Partito Socialista Italiano.
Paano Boboto?
- Pumunta lamang sa itinalagang presinto dala ang tessera elettorale (voter’s card) at valid ID tulad ng carta d’identità.
- Pumili ng Sì o No sa bawat balota batay sa sariling opinyon.
Ang Bawat Tanong sa Balota

1. “Contratto di lavoro a tutele crescenti- disciplina licenziamenti illegittimi: abrogazione”
Ano ang umiiral ngayon?
Ang tinatawag na contratto a tutele crescenti ay bahagi ng Jobs Act, na ipinatupad para sa mga manggagawang natanggap sa trabaho simula Marso 2015. Kung matatanggal sa trabaho nang walang sapat na dahilan (illegittimamente), ang karaniwang karapatan sa ngayon ay matanggap lamang ang mga kompensasyon—depende sa tagal ng serbisyo—ngunit walang karapatan sa pagbabalik sa trabaho.
Ano ang hinihingi ng tanong?
Kung mananalo ang “Sì”, ibabalik ang dating karapatan sa “reintegrazione” o pagbabalik sa trabaho gaya ng nasa Artikulo 18 ng Statuto dei Lavoratori (1970).
2. Licenziamenti piccole imprese (under 15 employees)
Ano ang umiiral ngayon?
Sa mga maliit na kumpanya, umiiral ang limitasyon sa halaga ng bayad para sa hindi makatarungang pagtatanggal sa trabaho: minimum na 2.5 buwang sahod at maximum na 6 na buwan, ayon sa batas noong 1966.
Ano ang hinihingi ng tanong?
Kung mananalo ang “Sì”, aalisin ang limitasyon, at ang hukom ang magpapasya ng kabuuang bayad batay sa bigat ng pinsala.
3. Precariato sul lavoro per i contratti a tempo determinato (Precariato/Temporary Work)
Ano ang umiiral ngayon?
Maaaring gumawa ng kontrata sa unang 12 buwan nang walang partikular na dahilan.
Ano ang hinihingi ng tanong?
Kung mananalo ang “Sì”, kailangang ipaliwanag agad ng employer kung bakit temporaryo ang kontrata—kahit mula sa simula pa lamang.
4. Security sa Trabaho (o Sicurezza sul lavoro) at Pananagutan ng Nagpapakontrata
Ano ang umiiral ngayon?
Ang mga kumpanya (contractor at sub-contractor) ay hindi palaging mananagot sa mga aksidente ng kanilang mga empleyado, lalo na kung ito ay dahil sa “specific risks” ng sub-contractor lamang.
Ano ang hinihingi ng tanong?
Kung mananalo ang “Sì”, maaari nang managot muli ang mga pangunahing kontratista o employer, para masigurado ang proteksyon ng mga manggagawa.
5. Italian Citizenship
Ano ang umiiral ngayon?
Ang mga dayuhang regular na naninirahan sa Italya ay kailangang maghintay ng 10 taong residency bago makapag-apaly para sa Italian citizenship.
Ano ang hinihingi ng tanong?
Kung mananalo ang “Sì”, ibaba ang required years of residency mula 10 sa 5 taon para sa mga dayuhang nasa tamang edad at may regular na naninirahan. Gayunpaman, lahat ng ibang requirements sa kasalukuyan, tulad ng police clearance, kaalaman sa wikang italyano, sapat na sahod at angkop na tirahan ay mananatiling ipatutupad.
Paalala
- Ang referendum ay magiging epektibo lamang kung mahigit sa 50% ng rehistradong botante ang lumahok.
- Ang bawat tanong ay independent—maaaring bumoto ng “Sì” sa isa at “No” sa iba.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.referendum2025.it, www.interno.gov.it, www.referendumcittadinanza.it
Basahin din:
- Referendum sa Italian Citizenship sa June 8 & 9, Bakit Mahalaga para sa mga Pilipino sa Italya?
- Referendum ukol sa Italian Citizenship, Inaprubahan ng Constitutional Court
- Anu-ano ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng Italian Citizenship?