Bakuna kontra Covid19 para sa lahat. Ito ang layunin ng Sant’Egidio sa pagbubukas ng hub vaccinale sa via di san Galiicano sa Roma, partikular sa mga walang tessera sanitaria at itinuturing na nasa laylayan ng lipunan – ang mga ‘senza fissa dimora’ o mga nakatira sa lansangan, mga dayuhang walang trabaho o undocumented at mga naghihintay ng Regularization.
Tinatayang aabot sa 40k ang mga mamamayang walang access sa online booking ng Regione Lazio dahil sa kawalan ng tessera sanitaria. Ang pagbabakuna sa mga nabanggit ay inilunsad ng buwan ng Hulyo sa pagtutulungan ng Regione Lazio at mga asosasyon ng mga boluntaryo tulad ng Caritas at Comunità di Sant’Egidio.
Ayon sa datos ng Caritas, sa 40 libong nabanggit, tinatayang aabot sa 19,895 ang mga colf at caregivers na naghihintay ng Regularization sa Roma, samakatwid, wala pang tessera sanitaria. Aabot naman sa 14,000 ang mga undocumented na mayroong STP at nakatala sa Servizio Sanitario Nazionale na walang permesso di soggiorno. Sa bilang na ito ay idadagdag pa ang 3,000 mga Europeans na walang tessera sanitaria at ang 8,000 mga Italians na nakatira sa lansangan.
“Ang pagbubukas ng vaccination center ay upang matugunan din ang pangangailangan sa kalusugan ng mga nasa dulo ng listahan. Sila ay hindi sakop ng vaccination campaign, ngunit sila ay maaabot ng network ng Sant’Egidio na maraming taon nang kaagapay ng mga higit na nangangailangan. Ang lahat sa hub na ito ay tanda ng pagbibigay serbisyo. Nais naming ihandog ang mahusay na serbisyo sa mga nangangailangan. Ngayon ang aming slogan ay higit na buhay”, ayon kay Marco Impagliazzo, ang president ng Sant’Egidio Community.
Ang vaccination center ng Sant’Egidio ay magbibigay serbisyo at bukas sa publiko tuwing Martes at Huwebes sa buong summer season.
Ang Sant’Egidio Community ay isang lay movement na nakabatay sa pag-aaral ng Simbahang Katolika, may layuning ibahagi ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng panalangin, pagbabahagi ng kapayapaan at pagtulong sa mahihirap. Itinatag sa Italya noong 1968 at sa kasalukuyan ay matatagpuan sa halos 70 bansa sa iba’t ibang mga kontinente. (PGA)
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website ng Sant’Egidio.