Pagkatapos ng higit sa inaasahang bilang ng mga application mula sa iba’t ibang sektor, inaprubahan ng Konseho ng mga Ministro, sa preliminary examination, ang bagong decreto flussi o ang batas na nagtatalaga ng entry quota o bilang para sa regular na pagpasok ng mga dayuhang manggagawa sa Italya.
Nasasaad na ang kabuuang bilang ng entry quota, 452,000, para sa taong 2023-2025: 136,000 para sa taong 2023; 151,000 naman para sa 2024 at 165,000 para sa taong 2025.
Karagdagang entry quota sa huling Decreto flussi
Una sa lahat, nasasaad dito ang pagpasok sa lalong madaling panahon ng 40,000 foreign workers, bilang karagdagan sa 82,000 na nasasaad sa decreto flussi na inilathala sa simula ng taong 2023. Layunin nito ang matugunan, ang 240,000 mga aplikasyong isinumite sa panahon ng click day noong nakaraang Marso, kung saan ang malaking bahagi ng bilang na nabanggit ay kasalukuyang naghihintay pa rin ng tugon.
Basahin din:
Bagong Decreto Flussi, ang mga pagbabago
“Kasunod ng pagsusuri sa mga pangangailangan sa iba’t ibang sektor ng produksyon sa bansa, na tinalakay kasama ang mga asosasyon ng mga employers at mga labor unions, ay ipatutupad ang pagdadagdag sa bilang o quota ng decreto flussi upang matugunan ang gap sa pagitan ng pangangailangan sa merkado ng paggawa at pagpasok ng mga foreign workers, sa paraan ng angkop na pagtanggap at kapasidad ng integrasyon sa local community,” paliwanag ng gobyerno.
Ito ang dahilan kung bakit ang bagong decreto flussi ay magkakaron ng makabuluhang pagbabago. Ito ay ang pagiging tuwing ikatlong taon nito o 3-year programming nito (2023-2025), na magbibigay-daan para sa mas epektibong pagpaplano at posibilidad ng internship ng mga workers sa kanilang country of origin.
Samakatwid, ito ay hindi na yearly bagkus ay long- term solution para harapin ang pangangailangan sa manpower ng ekonomiya ng Italya. Ang pamamaraang ito ay inaasahang magbibigay ng katatagan at tuluy-tuloy na tugon sa mga kumpanya at economic operators, bukod pa sa pagbibigay ng pagkakataong lalong mahasa ang kakayanan ng mga workers.
Bagong Decreto Flussi, makakasama muli ang mga colf at caregivers
Bukod dito, ang bagong Decreto Flussi ay inaasahang magbubukas din sa ibang sektor bilang karagdagan sa mga nagdaang taon. Sa katunayan, ang mga kumpanya ay maaaring mag-aplay para sa mga skilled workers tulad ng tubero, electrician, bus driver, socio-health assistant, telecommunications, food and shipbuilding workers.
Bukod sa mga nabanggit, muling makakasama ang mga colf at caregivers bilang isang mahalagang sektor para sa maraming pamilyang Italyano.
Habang ang agrikultura at turismo ay patuloy na bahagi ng seasonal job, layunin din ng bagong decreto flussi ang pagkakaroon ng kasunduan o agreement sa mga country of origin o transit, na magpapahintulot sa mga entry quota na ilalaan para sa mga workers mula sa mga bansang ito. (PGA)