Parami ng parami ang kasalan sa pagitan ng matandang Italyano at kabataang caregiver. Reversionary pension, ihihinto ayon sa batas?
Noong nakaraang ika 25 ng Marso si Renzo Lunardi, isang Italyano na kinasal kay Camaiore Yalym Leyra Valera, mula naman sa Brazil. Kasal na nabasa sa maraming mga pahayagan, kahit na ang dalawa ay hindi mga kilalang tao. Ang katotohanan, ang lalaki ay 95 taong gulang, at ang babae ay 31 na kanyang tagapag-alaga.
Ang kasal ay nagkaroon ng maraming kontrobersiya. "Ito ay isang paraan ng pasasalamat sa kanya – ayon kay Lunardi- siya ay naging tagapag-alaga ng aking mahal na asawa sa mahabang panahon. Ito ay isang pag-iisang dibdib na hindi bunga ng pagmamahal. Pinakasalan ko sya upang mabigyan ng pagkakataon na dalhin ang kanyang anak na babae sa Italya, na ngayon ay nasa Brazil.
Ito ay hindi nag-iisang kaso. “Sa Italya bawat taon ay may tatlong libong kasalan sa pagitan ng kabataan at mga may edad na Italyano na kadalasang may kaya sa buhay. Karaniwang hindi nagtatagal ang pagsasama ng mga ito”, ayon sa abugadong si Gian Ettore Gassani, presidente ng dell’Associazione Matrimonialisti Italiani.
Bukod sa pag-iisang dibdib, ang pagdami ng kasalang ito ay may hindi maiiwasang epekto sa public account.Sa katunayan,kapag ang asawang lalaki ay namatay, ang babaing bagong kasal ay makakabahagi sa maiiwang pensyon ng lalaki, na tinatawag na reversionary pension (pensione di reversibilità) at laong higit kung ang babae ay bata pa ay mas matagal at mahaba ang panahon ng pagbibigay ng pensyon mula sa estado.
Ito ay ayon sa Manageritalia kamakailan sa isang ulat nito. Ayon dito, "madalas na ang nasabing pensyon ay ibinibigay sa mga napakabatang balo sa pagkamatay ng asawa nito makalipas ang ilang buan o taon ng kasal, o kahit sa oras mismo ng kamatayan. Ang pensyon ay ibinibigay sa loob ng halos isang dekada at ito ay isang mabigat na pasanin para sa social institute.
Ang Manageritalia ay nagbigay rin ng ilang update sa taong 2008. Sa taong nabanggit, ang estado ay nag-gugol ng higit sa € 36 billion para sa reversionary pension at halos 10% ay napunta sa mga mas bata sa 60 taon, 3.6% naman ang mga kasong mas mababa sa 50 taong gulang. Sa Parlyamento sa kasalukuyan, ay patuloy na humahanap ng isang magandang solusyon.
Ang Labour Committee ng Kamara ay ilang buwan ng hinaharap ang ilang mga bills sa reporma ng ‘pensione di reversibilità’. Kanilang pinag-isa ang teksto na inihanda ni Massimiliano Fedriga, (mula sa Lega Nord) na bukod sa mga bagay na ito ay nais na ipatupad ang bagong alituntunin na kontra sa ganitong uri ng kasalan.
Binigyan diin dito ang bagong mga pamantayan sa pagbibigay ng pensyon: kung ang asawang lalaki ay namatay sa edad na 55 at ang naiwang balo ay may edad na mas mababa sa 35, ang balo ay hindi maaaring magkaroon ng pensyon bago maabot ang edad ng asawang namatay, samakatwid hindi bago umabot ng edad na animnapung taon. Kung hindi naman ito nagta-trabaho, ito ay may karapatan sa isang "advance" na pension hanggang sa makakuha ng isang trabaho at ang advance pension ay hindi lalampas sa isang taon.
Si Avv. Gassani ay may pag-aalinlangan. "Duda ako sa isang batas na nagtatanggal ng karapatan sa pensyon at kaligtasan ng buhay ng mga batang balo, dahil ito ay isang pagbabago ng saligang batas. Maaring ipagbawal ang kasalan na nakabatay lamang sa papel.
Ang Presidente ng AMI ay nagmungkahing sa awtoridad na bantayan ang lahat ng kasal na may malaking ‘age gap’ o agwat sa edad na aabot ng 50 taon, upang makita kung may mga pandaraya o krimen laban sa isang taong walang kakayahan. Sa madaling salita, kung ang matandang lalaki na malinaw pa ang pag-iisip ay ikakasal sa isang kabataang caregiver, hindi magiging madaling hanapin ang isang paraan ng hindi pagbibigay ng pensyon nito sa balo.