Isang certificate ng mga ari-arian o pagkakaroon ng anumang karagdagang kita buhat sa country of origin ang kinakailangan upang makatanggap ng ‘Buoni Libri’.
Bukod sa ISEE, sa Veneto Region ay hinihingan ang mga dayuhan ng bagong requirement. Sa katunayan, upang matanggap ang benepisyo/tulong buhat sa Regione sa pagbili ng mga scholastic books o ang tinatawag na ‘Buoni Libri’, ang mga non-Europeans ay kailangang magsumite, bukod sa ISEE, ng isang sertipo buhat sa sariling bansa, kung saan nasasaad ang mga ari-arian at karagdagang kita mula dito.
Ang nabanggit na sertipiko ay kailangang isumite hanggang alas 12 ng tanghali ngayong araw na ito, Oct 15 sa Comune. Ito ay nasasaad sa regulasyon upang matanggap ang ‘Buoni Libri’ sa website ng Regione Veneto.
Ang regulasyon ay batay sa artikulo 2 ng Dpr 394 ng August 31 1999 sa pagpapatupad ng Batas sa Imigrasyon. Ang “mga dayuhan – na nasasaad sa regulasyon ng Regione – sa kawalan ng aumang international agreement sa pagitan ng Italya at ng country of origin, ay nangangailangang magsumite ng sertipiko sa Comune hanggang Oct 15, 2018 o anumang dokumentasyon buhat sa authorized office o ahensya ng gobyerno sa sariling bansa na magpapatunay sa Italya, ng anumang karagdagang kita o pagkakaroon ng ari-arian sa sariling bansa sa taong 2016, legalized ng Italian embassy, translated sa wikang italyano at authenticated”.
“Kung ang certificate ay hindi makukuha mula sa country of origin, ang mga dayuhan ay kailangang lumapit sa Consulate o Embassy para sa releasing ng dokumento, batay sa mga kinakailangang pagsusuri at gastusin ng dayuhan”, ayon pa sa regulasyon.
Matapos ang naunang isyu ukol sa mensa scolastica sa Lodi kamakailan, kinatatakutan ang katulad na pangyayari sa Veneto Region dahil sa sertipikong nabanggit.