Ito ang nasasaad sa Legge di Stabilità 2015 na inaprubahan kamakailan ng gobyerno ni Renzi. Ang ISEE ay hindi dapat lalampas sa 25,000 euros, ngunit kung hindi naman ito lalampas sa 7,000 euros, ang benepisyo ay ibibigay ng doble.
Roma – Disyembre 30, 2014 – Ang tinatawag na ‘bonus bebè’ ay nakalaan din sa pamilya ng mga imigrante na mayroong EC long term residence permit o mas kilala bilang carta di soggiorno.
Ang bonus ay kumakatawan sa isang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng 80 euros kada buwan o 960 euros kada taon sa loob ng 3 taon, mula 2015 hanggang 2017 matapos maipanganak ang sanggol o matapos ang legal na pag-aampon mula Enero 1, 2015 hanggang Disyembre 31, 2017.
Ito ay nakalaan sa mga Italyano, EU nationals at ang mga tinutukoy sa artikulo 9 ng Batas sa Imigrasyon (Testo Unico sull’Immigrazione – d lgs 286/1998) – mga non-EU nationals na mayroong carta di soggiorno.
Paano mag-aplay nito? Ano ang required Isee sa pag-aaplay nito?
Maaaring mag-aplay ang mga pamilyang may sanggol o nag-ampon mula Enero 1, 2015 hanggang Disyemnbre 31, 2017. Ang bonus bebè ay may limitasyon sa kita ng mga magulang: maaring makatanggap ng bonus ang mga pamilya na mayroong Isee o indicatore della situazione economica equivalente na hindi lalampas sa 25,000 euros. Ngunit kung ang Isee ay hindi naman lalampas sa 7,000 euros ang halaga ng tulong pinansyal ay ibibigay ng doble o magiging 160 euros kada buwan (1920 euros kada taon).
Bagaman hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa handa ang implementing rules and guidelines ng bagong bonus, inaasahan na ang mga aplikasyon ay isusumite online sa Inps at maaaring sa tulong din ng mga patronati o caf at mga asosasyon. Ang Inps ang susuri sa mga aplikasyon, magtatalaga ng eksaktong halaga at magbibigay ng benepisyo batay sa ilalakip na Isee.